Di nga ba dapat ay may nakatatak na "FOR OFFICIAL USE ONLY" sa mga sasakyang pag-aari ng gobyerno? Pero ang nangyayari, "FOR OFFICIAL USE ALSO" ang mga behikulong ito. Lekat!
Pati sa pamamalengke ng mga misis ng ilang government officials ay nagagamit yata ang mga sasakyang ito! Sobrang abuso na iyan.
Kulang sa pera ang gobyerno kaya pinagtutuunang pansin daw ng Land Transportation Office sa atas ng Malacañang ang mga sasakyang ito na ginagamit nang hindi awtorisado. Korek kayo diyan pero hanggang kailan ang paghihigpit ninyo?
Huwag sanang ningas cogon. Ang pasilidad ng pamahalaan ay dapat gamitin sa mga layuning opisyal. At iyan ay para sa kapakanan ng taumbayan na nagbabayad ng buwis. Sa tuwing aandar ang mga sasakyang iyan, taumbayan ang nagbabayad ng gasolina mula sa kanilang ng buwis sa gobyerno. Hindi dapat magpasasa ang mga opisyal ng gobyerno na pinagtalagahan ng mga sasakyang iyan.
Pero may mga opisyal ng pamahalaan na umaabuso sa kanilang pribilehiyo. Pati government vehicles ay ginagamit sa pamamalengke ng kanilang mga misis o katulong. Ginagamit din sa mga personal na excursion ng pamilya. Abay huwag naman!
Kung anu-anong bagong buwis ang pinaplanong singilin sa taumbayan tapos may mga opisyales na magpapasasa at gagamitin ang dugo ng maliliit na mamamayan sa personal nilang luho.
Mahiya naman kayo! At sa mga kababayan natin, kung may mapapansin kayong redplate vehicles sa mga alanganing lugar tulad ng mga palengke, resort, bahay-aliwan, isumbong nyo sa LTO para magawan ng aksyon. Kapag walang aksyong ginawa, isumbong niyo sa kolum na ito.