Pero ang pahayag ni Gozun ay kontra naman sa sinabi ng Environment Management Bureau (EMB) noon. Sinabi ng EMB na marumi pa rin ang hangin sa Metro. Una na ring sinabi ng EMB noong July 27, 2004 na malinis na ang hangin sa Metro Manila pero bigla nila itong binawi. Mali ang record ng walong monitoring stations na nakakalat sa Metro Manila. Katunayan, tatlong siyudad ang polluted. Ito ay ang Makati City, Quezon City at Valenzuela City.
Sa collar daw lamang malalaman kung marumi o malinis ang hangin. Maaaring tama si Secretary Gozun. Dumidikit sa kuwelyo ang mga duming ibinubuga ng mga kakarag-karag at despalinghadong bus, taxi, jeepney, tricycle at marami pang sasakyan. Pero mas maganda kung isinama na ni Gozun na i-check din ang mga ilong. Ang ilong ang lumalanghap nang maruming usok na ibinubuga ng mga sasakyan. Simple lang, kumuha nang malinis na puting panyo o di kayay cotton buds at kalikutin ang ilong. Ang makikita ay ang napakaraming itim na dumi sa loob. Ito ang dapat makita ni Secretary Gozun. Mas matindi ang dumi sa ilong kaysa sa kuwelyo. Isang patunay na marumi ang hangin. Gayunman sinabi ni Gozun na mas improved ang hangin sa Metro ngayong 2004 kaysa noong nakaraang taon.
Ang grabeng pollution sa Metro Manila ay tinuligsa rin naman ng Department of Health (DOH) at sinabing hindi ligtas. Dahil sa air pollution kaya marami ang nagkakaroon ng respiratory diseases. Ayon sa DOH, walang improvement ang kalidad ng hangin at patunay dito ang pagdami ng kaso nang mga nagka-asthma, chronic bronchitis at cardiovascular diseases.
Hindi magkakaroon ng katuparan na magkaroon ng malinis na hangin sa Metro Manila hanggat hindi lubusang ipinatutupad ang Clean Air Act. Magpapatuloy sa pagyaot ang mga kakarag-karag na sasakyan, paggamit ng incinerators ng mga hospitals at mga pabrika at walang tigil na pagsusunog sa mga basura. Hindi magkakaroon ng katuparan kung pawang "praise release" lamang ang gagawin ng DOTC laban sa mga smoke belchers. Isama na pati ang DENR na mabagal magtrabaho para makamit ang malinis na hangin.