Simple ang paliwanag ng World Bank: Mas malaki ang budget ng HK kontra sa graft. Sa RP, walang pondo ang corruption watchdog.
Tinatag ng HK ang Independent Commission Against Corruption sa budget na $10 milyon nung 1974, nang ang halaga ng ekonomiya nila ay $16.9 bilyon habang ang RP ay $23.2 bilyon na. Lumaki ang ICAC budget sa $90 (P8 bilyon) nung 2003. Kumbaga, ang per capita (gastos kada tao) kontra graft ay $16 (P825).
Sa RP ang Ombudsman budget nung 2003 ay P481.4 milyon lang. Isama na rito ang P18.6 milyon ng Presidential Anti-Graft Commission at P15 milyon ng Transparency Group ng Malacañang (kasama ang antigraft units sa anim na departamento), ang total ay P515 milyon-o per capita na P8 lang kontra corruption.
Ang burokrasya ng HK ay 150,000 katao lang. Ang ICAC staff ay 1,060, sa ratio na 1:142 civil servants. Sa 1,060 staff, 800 ay imbestigador (ratio na 1:2,000 civil servants), 200 ay sa community relations, at 60 sa corruption prevention.
Sa RP ang burokrasya ay 1.4 milyon katao. Ang pinasamang staff ng Ombudsman, PAGC at TG ay 1,000 lang, o ratio na 1:1,400 civil sevants. Ang pinagsamang imbestigador ng tatlo ay 145 lang, o ratio na 1:10,000.
Sa madaling salita, kulang sa tao at sobra sa trabaho ang antigraft drive sa RP. Kaya pala tinuturing ang corruption na low-risk, high-reward crime. Wala nang natatakot mangurakot, dahil malamang namang hindi makukulong.