Kelan nagbago, naging salbahe

MALAKING balita na ngayon ang maging tapat. Front-page news kapag may cabbie na nagsoli ng naiwang alahas sa taxi, o kliyente na nag-alerto sa banko na labis ang ibinayad. Dati-rati, balita ang masamang asal.

Kelan nagbago ang buhay? Noon, sabi ng matatanda, kung naiwan mo ang pitaka sa restoran, walang gagalaw du’n hanggang bumalik ka. Ngayon dinudukot na sa bulsa mo. Noon puwede iparada ang jeep na walang lock kahit saan. Ngayon aagawin ang kotse mo sa tutok ng baril.

Sabi ng iba, kasalanan ng media. Parati raw kasi hina-highlight ang marahas at masama. Pero baligtad nga e. Ang mga krimen, binabaon na lang sa inside pages, sama-sama sa isang box ng maiikling items. Ang di-karaniwang kabutihang-asal na nga ang news ngayon.

Sabi rin ng iba, dala ito ng kahirapan. Sa dami raw ng walang trabaho, naging tuso at makasarili ang tao. Pero hindi ako sang-ayon. Noon nagbibigay pa ng libreng apa ang mahirap ng sorbetero. Hindi siya tuso o makasarili. Masayahin nga e.

Sabi, dahil sa maling pagpapalaki ng magulang at pagtuturo ng guro. Aba’y maraming animo’y sutil sa bahay at pilyo sa school pero nagiging pari o madre. Marami ring parang maamong tupa na nagiging rapist o kidnapper o drug lord.

Sabi, napagaya na ang madla sa asal ng bulok na pulitiko. Maari nga, pero sa wari ko’y mas marami pa rin ang hindi nagpapadala sa alon ng kabuktutan na pumapalo sa pampang ng lipunan. Marami ngang bulok, pero mas marami pa rin ang matuwid.

Hindi maikakaila na dumami ang loko sa paglaki ng populasyon. Law of averages, ika nga. At lumalabas ang pagkaloko di lamang dahil sa media o pangangailangan, pabayang magulang at guro o paggaya sa bulok na lider. Malaking factor din ang loobin ng tao, o konsiyensiya. Ito ‘yung maliit na boses sa loob ng puso’t isipan na sumasaway sa tao kung nalalapit sa tukso, o kaya nag-uudyok sa kanya na gumawa ng masama. Huwag sana ibintang sa iba ang sariling kasamaan.

Show comments