Sa tatlong taong panunungkulan ni Mrs. Arroyo, isang maipupuna ay ang hindi niya pagiging maingat sa pagpili ng kanyang magiging miyembro ng Gabinete. Ilan sa mga miyembro ng kanyang Gabinete ang nasangkot sa katiwalian. Nasangkot sa katiwalian ang dating DepEd Secretary at maging ang kanyang justice secretary. Nagsipagbitiw ang mga nabanggit na secretaries pero ang lamat sa gobyerno ni Mrs. Arroyo ay naiwan. Iyon ang laging binabatikos lalo na ang oposisyon. Hindi na dapat maulit ang pagkakamali ni Mrs. Arroyo sa nakalipas na tatlong taon.
Dapat nang maging maingat si Mrs. Arroyo sa pagpili sa mga kukunin niyang miyembro ng Gabinete o maski sa mga mamumuno sa mga government financing institutions. Kapag nagkamali siya sa pagpili tiyak na maaapektuhan na naman ang kanyang pamumuno sa bansang ito. Isipin na lamang na anim na taon ang kanyang termino at paano kung ang kanyang magiging kasama sa pagpapatakbo sa bansang ito ay hindi naman mga karapat-dapat? Sa halip na magampanan ng Cabinet members ang kanyang tungkulin ay pawang sa pansariling interes lamang ang inaatupag.
Dapat din namang magbitiw ang mga kasalukuyang miyembro ng Gabinete upang mabigyan ng pagkakataon si Mrs. Arroyo ng pagkakataong makapili nang mahusay na makatutulong niya sa pagpapaunlad ng bansa. Nakatuon pa naman ang programa ni Mrs. Arroyo sa kapakanan ng mahihirap sa susunod na anim na taon ng panunungkulan. Kailangang maging maingat siya sa pagpili ng magiging Cabinet secretary. Pag-aralang mabuti para hindi magkamali at baka hilahin siya pababa. Kawawa naman ang bansa at ang taumbayan.