Ang turo hinggil sa kautusan

ANG sibilisadong pamumuhay ay palaging mangangailangan ng mga batas. Kung kaya’t sa ebanghelyo sa araw na ito, iginiit ni Jesus na siya ay naparito hindi upang alisin o pawalang-bisa ang batas. Naparito siya upang gawin itong ganap o perpekto.

Si Mateo ay sumulat para sa mga Judio na ang pamumuhay ay nagagabayan ng Torah — ang kanilang Banal na Aklat (Mt. 5:17-19).

"’Huwag ninyong akalaing naparito ako upang pawalang-bisa ang Kautusan at ang aral ng mga propeta. Naparito ako, hindi upang pawalang-bisa kundi para ipaliwanag at ganapin ang mga iyon. Tandaan ninyo ito: magwawakas ang langit at ang lupa, ngunit ang kaliit-liitang bahagi ng Kautusan ay di mawawalan ng bias hangga’t hindi nagaganap ang lahat. Kaya’t sinumang magpawalang-halaga kahit sa kaliit-liitang bahagi nito, ay ibibilang na pinakamababa sa kaharian ng Diyos. Ngunit ang gumaganap ng Kautusan at nagtuturo na tuparin iyon ay ibibilang na dakila sa kaharian ng Diyos.’"


Ang tunay na layunin ng batas gaya nang pagkakabigay ng Diyos ay ganap na kabuuan at katiwasayan ng bawat tao. Dinadala nito sa Diyos yaong mga napariwara ng landas. Ang Diyos ang may-akda ng Sampung Utos. Ibinibigay niya sa atin ang mga kautusang ito upang magabayan tayo sa ating buhay.

Si Jesus ay naparito at nakibahagi sa ating buhay upang ipakita sa atin kung paanong sumunod sa ating Amang nasa langit. Nilagyan niya ng pagmamahal ang ating pakikipag-ugnayan sa Ama.

Show comments