Bawat kampo ng administration at oposisyon ay nagki-claim na ang kanilang manok ang nanalo. Sabi ng kampo ni Mrs. Arroyo, ito ang panalo at sabi naman ng kampo ni FPJ, ito ang panalo. Maraming lumalabas na balita. At ang matindi, pati ang Commission on Elections (Comelec) ay nagbibigay na rin ng opinyon kung sino ang nanalo, na hindi naman nararapat. Isang opisyal ng Comelec na ayaw nang magpakilala ang nagsabing may 900,000 boto ang lamang ni President Arroyo kay action king Fernando Poe Jr. Nahaharap sa impeachment si Comelec chairman Benjamin Abalos tungkol sa makontrobersiyang paghahayag na ito.
Nakikita ang pagtatalo at ang matitinding balitaktakan sa canvassing. At kung hindi nga magkakasundo ang mga mambabatas, malalagay sa alanganin ang pagbibilang ng mga boto. Ang ganitong senaryo ay hindi maganda sa bansa. Ang pagka-atrasado sa pagdedeklara ng bagong presidente ay hindi maganda sa paningin ng mga investors. Maaaring mag-urong-sulong sila sa paglalagak ng pera sa bansa. Nakabalot ang tensiyon. Walang katiwasayan at nayayanig ng mga protesta. Nang dalhin ang mga certificate of canvass noong Martes sa Kongreso ay kinailangan pang eskortan ng armored personnel carrier (APC) at sangkaterbang sundalo para maseguro ang kaligtasan nito. Nagkaroon naman ng rally sa Batasang Pambansa at nagkaroon ng kaguluhan dahil sa pagdagsa ng mga supporters nina President Arroyo at action king Fernando Poe Jr.
Nararapat nang maging mabilis ang pagdaraos ng canvass. Hindi na nararapat pa ang pagtatalu-talo. Bukod sa mabilis na pagka-canvass, narararapat din namang may kredibilidad ito. Huwag nang panaigin ng mga mambabatas ang walang kuwentang pagtatalo o pagbabangayan. Barahin na ang mambabatas na wala namang layunin kundi patagalin lamang ang pagdaraos ng canvassing. Ang pagtatalo sa ganitong pagkakataon ay hindi dapat makapanaig. Maraming beses nang nabigo ang taumbayan sa mga mambabatas at sana namay hindi na ito gawin sa pagkakataong ito. Gawin ng mga mambabatas ang tama lamang nang maiwasan ang kaguluhan. Trabaho at hindi pagtatalo ang kailangan para maiproklama ang bagong pinuno.