Para sa kaalaman ni GMA at Sr. Supt. Mendoza, ang sentro ng operasyon ng jueteng ni Ngongo ay sa bayan ng Guagua at siyudad ng San Fernando. Tatlong beses kung magbola ng jueteng si Ngongo at umaabot sa P3 milyon ang kanyang kubransa kada-araw, anang sulat na nakarating sa akin. Pero, ayon sa sulat, palagi namang nagkikita si Ngongo at mga bataan nina Mendoza at Sr. Supt. Dindo Espina, ang hepe ng intelligence ng Region 3 sa Camp Olivas. Kasi nga si Ngongo mismo ang nagdadala ng kanyang lingguhang intelihensiya para sa opisina nina Mendoza at Espina. Aba, madali pa lang hulihin nina Mendoza at Espina si Ngongo, di ba mga suki?
Ano kaya ang pangunahing dahilan ng dalawang magigi-ting na opisyales ng PNP natin at hindi nila maaksiyunan ang jueteng ni Ngongo sa Pampanga? Kailangan pa ba ang kumpas ni GMA para tumalima sila? He-he-he! Tiyak, mabigat din ang kamay ni GMA na ikumpas laban kay Ngongo kasi nga may nakikinabang sa pamilya niya sa jueteng, anang sulat na natanggap ko.
Para kina Mendoza at Espina, madali lang makilala si Ngongo. May malaking biyak ito sa mukha sa tinamo niyang sugat ng ma-ambush siya ilang taon na ang nakaraan. Si Ngongo lang ang may alam kung ano ang motibo at sino ang may pakana ng ambush niya dahil hanggang sa ngayon hindi pa ito naresolba. May kinalaman kaya sa sugal na jueteng sa tangka sa buhay ni Ngongo? Ang patuloy na pananahimik ni Ngongo sa isyu ay lalong nagpasiklab pa ng mahabang haka-haka ukol sa kaso, di ba mga suki?
Si Ngongo pala ay nakatira sa St. Dominic Subd. sa San Fernando, malapit sa Joe-Maper grocey. May building din siya na kung tawagin ay Melvi sa Olongapo-Gapan Road sa San Fernando. Ang pangalan pala ng asawa ni Ngongo ay Vilma kaya Melvi ang pangalan ng building nila. Kung sa NPA, terorista at iba pang kalaban ng gobyerno ay nagtagumpay si Mendoza, kay Ngongo kaya may ibubuga siya?