Ang puno at mga sanga

SA Lumang Tipan, tinawag ni Isaias ang Israel na isang puno. Isinalarawan din niya si Yawe bilang isang tagapangalaga ng ubasan. Sa Bagong Tipan, tinawag ni Jesus ang kanyang sarili na isang puno at ang mga alagad ay ang mga sanga.

Madali namang makita ang ugnayan –o may pagkakaisa – sa pagitan ng puno at mga sanga nito. Ang puno ang nagbibigay-buhay sa mga sanga. Kung ang isang sanga ay nabali mula sa puno, ito ay matutuyo at mamamatay.

Basahin natin ang talinghaga na naitala ni Juan (Jn.15:1-8).

"Ako ang tunay na puno ng ubas, at ang aking Ama ang tagapag-alaga. Pinuputol niya ang bawat sangang hindi namumunga; at kanya namang pinuputulan nililinis ang bawat sangang namumunga upang lalong dumami ang bunga. Nalinis na kayo sa pamamagitan ng salitang sinabi ko sa inyo. Manatili kayo sa akin at mananatili ako sa inyo. Hindi makapamumunga ang sangang hindi nananatiling nakakabit sa puno. Gayon din naman, hindi kayo makapamumunga kung hindi kayo mananatili sa akin.

"’Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin, at ako sa kanya, ang siyang namumunga nang sagana; sapagkat wala kayong magagawa kung kayo’y hiwalay sa akin. Ang hindi nananatili sa akin ay itatapon at matutuyo, gaya ng sanga. Ang gayong mga sanga ay titipunin at susunugin. Kung nananatili kayo sa akin at nananatili sa inyo ang mga salita ko, hingin ninyo ang inyong maibigan, at ipagkakaloob sa inyo. Napararangalan ang Ama kung kayo’y namumunga nang sagana at sa gayo’y napatutunayang mga alagad ko kayo.’"


Sa paggamit ng larawan ng puno, ginuhitan ni Juan ng linya ang nag-uugnay sa Ama, kay Jesus bilang anak at sa mga alagad. Ang pagkakaisa ni Jesus at ng mga alagad ay napakahalaga. Ang pakikiisa ng mga alagad kay Jesus ang dahilan ng kanilang pamumunga.

Sa ganang atin naman, ang pakikiisa kay Jesus ay mahalaga rin. Tayo ay magiging epektibo lamang sa ating mga apostolado o gawaing-pangmisyon kung tayo ay kaisa ni Jesus. Tulad ni Jesus, tayo ay magiging mapagmahal at magalang sa kapwa. Tulad ni Jesus tayo ay magkakaroon ng pangangalaga sa mga mahihirap.

Show comments