^

PSN Opinyon

Editoryal - Masyadong relax ang bilangguan

-
UNG hindi naging relax ang jail authorities sa Basilan provincial rehabilitation center, hindi makatatakas ang 53 teroristang Abu Sayyaf noong Linggo ng umaga. Nasorpresa ang mga guwardiya at walang anumang inagawan ng baril, ayon sa report ng Philippine National Police (PNP). Sa 53 tumakas, walo ang napatay at siyam ang nadakip. Naganap ang pagtakas dakong 11:30 ng umaga. Tatlo sa mga guwardiya ang binaril at nasugatan.

Ang pagtakas sa kulungan ay karaniwan na lamang na nagaganap sa bansang ito. At hindi basta-basta mga bilanggo ang mga nakatatakas kundi mga terorista pa na patung-patong ang mga kaso. Karamihan sa mga tumakas na Abu Sayyaf ay sangkot sa pangingidnap at pagpatay. Karaniwan na nga lang ang pagtakas sa mga bilangguan o jail. Kung sa Camp Crame jail ay balewalang nakatatakas ang bilanggo, ano pa sa isang rehabilitation center sa Basilan. Noong nakaraang taon ay walang anumang tumakas sa Crame ang teroristang si Fathur Rohman Al-Ghozi kasama ang dalawang iba pa. Napatay din si Al-Ghozi pagkaraan ng anim na buwan.

Nakatakas din sa Crame si Faisal Marohmbsar, isang MILF rebel noong 2002. Nang taon ding iyon nakatakas ang dalawang drug dealer matapos lagariin ang rehas na bakal. Hanggang ngayon, ang dalawang drug dealer ay hindi pa nadadakip. Hindi lamang sa Camp Crame may nakatatakas kundi sa iba pang jail sa iba’t ibang lugar sa bansa. May mga jail naman na maaaring maglabas-masok ang mga "mayayaman" o "maiimpluwensiyang" bilanggo halimbawa’y katulad ng drug lord na si Yu Yuk Lai na habang nakakulong sa Manila City Jail ay nakapagsusugal pa sa isang casino.

Ang pagkakatakas ng 53 Sayyaf terrorist ay dahil sa kaluwagan ng mga guwardiya. Umano’y inilagay sa dalang pagkain para sa inmate ang baril na ginamit. Isa namang bersiyon ay nang isang guwardiya ang dambahin ng Sayyaf leader na si Mubin Ibba alyas Abu Blak at agawin ang baril nito. Mabilis na nagsitakas ang mga bilanggo at ginawa pang shield ang mga guwardiya. Nagkanya-kanyang takbo sa iba’t ibang direksiyon. Armado ang mga nagsitakas ng Armalite rifle, M-203 grenade launcher, shotgun at .45 caliber pistol.

Masyadong relax ang mga guwardiya. Nagtiwala sa kabila na ang mga bilanggo ay mapanganib. Hindi na nila naisip na maaaring magsagawa ng pagtakas ang mga bilanggo makaraan ang sunud-sunod na pagkakahuli at pagkakapatay sa mga miyembro ng Sayyaf. Ang pagtakas ay maaaring ganti sa pagkakapatay kay Hamsiraji Sali noong Huwebes Santo. Mahinang klase ang jail authorities sa Basilan at mas makabubuti pa marahil na sila muna ang ikulong para magkaroon ng aral. Ito rin naman ang nararapat sa iba pang mga nangangalaga ng bilangguan sa Pilipinas.

ABU BLAK

ABU SAYYAF

BASILAN

CAMP CRAME

CRAME

FAISAL MAROHMBSAR

FATHUR ROHMAN AL-GHOZI

SAYYAF

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with