EDITORYAL - Mga dukha na naman ang sinasangkalan

KAWAWA ang mga dukha sapagkat ginagamit na behikulo ng mga pulitiko para makamit ang pangarap nilang puwesto. Kaya kung mawawala ang mga dukha sa bansang ito, wala na ring mga pulitiko. Hindi naman nila kayang utuin ang mayayaman. At hindi na kapani-paniwala ang sigaw ng mga pulitiko na paaangatin nila ang buhay ng mga dukha kapag sila ang napuwesto. Kapag umangat ang buhay ng mga dukha, sino pa ang maloloko ng mga pulitiko. Wala na. Kaya habampanahon nang ang mga dukha ay magiging dukha. Mas masahol pa nga sapagkat hindi tinutupad ng pulitiko ang kanilang pangako.

Noon pa’y ang mga dukha na ang binobola at patuloy pa rin hanggang sa kasalukuyan ang pambobola sa kanila ng mga pulitiko. Marami ang sumakay sa mabulaklak na dila ng pulitiko at huli na para malaman na naihulog na naman sila sa kumunoy ng kahirapan. Walang nagawa ang pulitiko para maiangat ang kalagayan ng kanilang buhay.

Si dating President Joseph Estrada ang pinakamaraming supporters na nagmula sa mahihirap na sector. Ang mga ito ay nagdala kay Estrada kaya naluklok sa puwesto noong May 1998 elections. Landslide si Estrada. Hindi matatawaran ang bumahang boto at kumain ng alikabok ang kanyang mga kalaban. Naging famous si Estrada sa kanyang mga pananalitang "Walang kamag-anak, walang kaibigan, walang kumpareng magsasamantala". Pero makalipas ang tatlong taong panunungkulan, naalis siya sa puwesto. Nagkaroon ng people power. Naakusahan ng pandarambong si Estrada at pagsira sa pagtitiwala ng taumbayan. May P4 bilyon ang sinasabing nakulimbat niya sa loob ng maikling panunungkulan.

Ngayo’y naka-"house arrest" si Estrada pero nagbibigay siya ng suporta sa kaibigang si Fernando Poe Jr. na kandidato sa May 10 elections. Susuportahan daw niya si FPJ sapagkat sincere raw ito sa pagreporma sa corrupt na bansa. Maka-mahirap daw si FPJ. Ilang linggo nang laman ng balita si Estrada at halatang paraan ito para maikampanya nang todo ang kaibigan.

Mairereporma ang bansang corrupt, ayon kay Estrada. Pero mahirap paniwalaan sapagkat hanggang ngayon, wala pang malinaw na plataporma si FPJ. Ayaw nga niyang makipag-debate. Paano marereporma ang isang corrupt na bansa kung walang nilalahad na plano? Hindi naman mahirap isipin na baka ang katiwaliang kinasangkutan ni Estrada ang "aayusin" ni FPJ kapag siya ang nahalal na presidente. Hindi naman sana sapagkat marami na ang matalinong botante sa kasalukuyan.

Show comments