Sinabi ni Comelec Commissioner Resureccion Borra na gagamitin nila ang joint resolution ng Kongreso na nag-lapsed noong nakaraang taon para maisulong ang pagdaraos ng automated elections sa mga piling lugar sa Pilipinas. Ipinag-uutos na nasabing batas ang pagdaraos ng automated elections sa mga piling lugar at ayon kay Borra, maaari itong gawin sa Quezon City at Mandaluyong City para sa Luzon; Iloilo City para sa Visayas; sa Cotabato City at sa iba pang chartered cities sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM). Magiging pilot test umano ang may 2.5 million voters sa mga nabanggit na lugar kung saan dito gagamitin ang karamihan sa automated counting machines (ACMs) na pag-aari ng Mega-Pacific consortium.
Nakapagtataka talaga sapagkat ang mga ACMs na ito ang naging dahilan para ibasura ng Supreme Court ang kontrata sa Mega-Pacific. Maraming nakitang technical defects sa mga ACMs. Nang testingin noong nakaraang taon, pawang mali ang lumalabas na tala sa mga counting machines. Nadiskubre ang maanomalyang bidding. Hindi naging transparent ang Comelec sa bilyong pisong kontrata sa Mega-Pacific. Bago pa naibasura ang kontrata, nakapagbigay na ng downpayment ang Comelec sa Mega-Pacific ng P1.3 billion. Nagkaroon na sila ng pakinabang.
Ngayon, sabi ng Comelec ay ipagagamit na lamang ng libre ng Mega-Pacific ang kanilang mga ACMs para sa selective automation. Paano magiging libre e nagbayad na nga ang Comelec nang pagkalaki-laki? Hindi bat dapat ngang ibalik nang Mega-Pacific ang ibinayad dahil hindi naman napakinabangan ang mga ACMs?
Kahina-hinala ang kinikilos ng Comelec sa pagpupumilit na magkaroon ng automated elections sa mga piling lugar. Bakit ayaw nilang sundin ang utos ng Supreme Court na wala nang automation at manu-mano na lang. Dapat silang bantayan habang maaga.