Boses ng mga panatiko niya ang agad narinig sa radio surveys matapos aminin ng aktor na nagkaanak siya sa labas ng pag-asawa kay Susan Roces. At nakakamangha ang pananaw nila. Napakahusay na tao raw ni FPJ dahil buong-loob ang pag-amin. Katangian daw yon ng mabuting presidente. At okey lang daw sa isang presidente na may anak sa labas. Nang tanungin ang isang misis kung okey lang ding magka-anak sa labas ang mister, sagot niyay hindi, pero okey kung si FPJ.
Sila rin ang mga tinig sa radyo na agad dumepensa kay FPJ nang malantad na high school dropout pala. Okey lang daw na walang pinag-aralan, basta sikat at may magandang loob. Nang tanungin ang isa kung malapit siya sa aktor kayat alam niyang mabait, sabi niya hindi pero napapanood naman daw niya sa pelikula ang kabaitan nito.
Nakakabulag talaga ang labis na paghanga sa celebrity. Miski mali ay nagiging tama, miski baluktot ay nagiging tuwid.
Kahanga-hanga talaga ang pag-amin ni FPJ sa pakikiapid kay Ana Marin. Pero hindi ibig sabihiy kahanga-hanga ang mismong pakikiapid. Walang kasalanan ang anak na bunga ng bawal na relasyon. Pero labag pa rin sa batas ang concubinage. Ano kaya ang naging pakiramdam ni Susan Roces sa lihim na relasyon?
Sa ibang bansa mataas ang pamantayan sa opisyales. Kaya matino ang mga gobyerno nila. Hindi sila nagbubulag-bulagan sa pakikiapid. Alam nila na ang isang opisyal na hindi tapat sa sariling asawa ay hindi rin magiging tapat sa serbisyo. Ganun nasira ang pangarap ni Gary Hart na maging kandidato pagka-presidente ng US. Kaya rin inimbestigahan si Bill Clinton.
Kunsabagay, maari ring magbago ang taong nagkasala.