Ang talinghaga ng manghahasik

Kung paanong lumalago ang binhing itinanim ay nakasalalay sa pinagtamnan nito. Ito ay malinaw na isinalarawan sa talinghagang ating pagninilayan ngayon.

Narito ang talinghaga ayon sa pagkakasalaysay ni Marko (Mk. 4:1-20).

‘‘Muling nagturo si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. Pinagkalipumpunan siya ng napakaraming tao, kaya‚t lumulan siya sa isang bangkang nasa tubig at doon naupo. Ang karamihan nama’y nasa dalampasigan, nasa gilid na ng tubig. At sila’y tinuruan niya ng maraming bagay sa pamamagitan ng talinghaga.Ganito ang sabi niya: Pakinggan ninyo ito! May isang magsasaka na lumabas upang maghasik. Sa kanyang paghahasik ay may binhing nalaglag sa daan. Dumating ang mga ibon at tinuka ang mga iyon. May binhi namang nalaglag sa kabatuhan. Agad sumibol ang mga iyon, sapagkat manipis lamang ang lupa doon; ngunit nang tumindi ang sikat ng araw, nalanta at natuyo ang mga binhing tumubo, palibhasa’y walang gaanong ugat. May binhi namang nalaglag sa dawagan; lumago ang mga dawag at ininis ang mga binhing tumubo kaya hindi makapamunga. At may binhing nalaglag sa matabang lupa, at ito’y tumubo, lumago, at nag-uhay na mainam – may uhay na tigtatatlumpu, tig-aanimnapu, at tigsasandaan ang butil. Sinabi pa ni Jesus, Ang may pandinig ay makinig.’’

‘‘Nang nag-iisa na si Jesus, ang ilang nakarinig sa kanya ay lumapit na kasama ng Labindalawa, at hiniling na ipaliwanag ang talinghaga. Sinabi niya, Sa inyo’y ipinagkaloob na malaman ang lihim tungkol sa paghahari ng Diyos; ngunit sa iba, ang lahat ng bagay ay itinuturo sa pamamagitan ng talinghaga. Kaya nga’t ‘‘Tumingin man sila nang tumingin ay hindi sila makakita. At makinig man nang makinig ay hindi makaunawa. Kung gayon, marahil sila’y magbabalik-loob sa Diyos at patatawarin naman siya;


‘‘Pagkatapos, tinanong sila ni Jesus,‘Hindi pa ba ninyo nauunawaan ang talinghagang ito? Paano ninyo mauunawaan ang ibang talinghaga? Ang inihahasik ay Salita ng Diyos. Ito ang mga nasa daan, na nahasikan ng Salita: Pagkatapos nilang mapakinggan ito, pagdaka’y dumating si Satanas, at inaalis ang Salitang napahasik sa kanilang puso. Ang iba’y tulad naman ng mga napahasik sa batuhan. Pagkarinig nila ng Salita, ito’y agad nilang tinatanggap na may galak. Ngunit hindi naman ito tumitimo sa kanilang puso, kaya’t hindi sila nananatili. Pagdating ng kahirapan o pag-uusig dahil sa Salita, agad silang nanlalamig. Ang iba’y tulad ng napahasik sa dawagan.

Dininig nga nila ang Salita, ngunit sila’y naging abala sa mga bagay ukol sa mundong ito, naging maibigin sa mga kayamanan, at mapaghangad sa iba pang mga bagay, anupa’t ang Salita’y nawalan na ng puwang sa kanilang mga puso kaya’t hindi sila nakapamunga. Ngunit ang iba’y tulad sa binhing napahasik sa matabang lupa: pinakikinggan nila at tinatanggap ang Salita, at sila’y nagsisipamunga – may tigtatatlumpu, may tig-aanimnapu, at may tigsasandaan.’’

Ang kapalaran ng binhi o butil ay naaayon sa lugar na kinalalagyan nito. Kung ito’y nalaglag sa daanan, madali itong matuka ng mga ibon. Kung ito’y nahulog sa mabatong lugar, ang anumang sumibol dito ay madaling nanunuyo.

Ang binhi na lumagpak sa dawagan o matinik na lugar ay walang pagkakataong mabuhay.

Huminto nang sandali. Ang Salita ng Diyos ay naitanim sa inyong puso. Ito ba’y lumago sa inyo? Nadinig ninyo ang Salita ng Diyos, subalit ang mga suliranin at alalahanin sa buhay ay pumipigil na lumago ang Salita sa inyo. Natanggap ninyo ang Salita ng Diyos, subalit wala kayong panahon na pagnilayan ito. Nasasayang lamang ito. Hindi kayo nabibigyang-sustansiya.

Hindi. Maglaan kayo ng panahon na makinig sa Salita ng Diyos. Hilingin sa Espiritu Santo na bigyang-liwanag kayo. Maglaan kayo ng panahon upang makapanahimik.Makapanalangin.

Ang Salita ng Diyos ay espiritu at buhay. Buksan ang inyong puso sa Salita ng Diyos.

Show comments