^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Talbos lang ang napitas

-
MULA pa noong Nobyembre ng nakaraang taon ay sunud-sunod na ang pagkakatuklas ng mga shabu laboratories sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila. Nagpaligsahan ang Valenzuela City at Parañaque City sa dami ng mga laboratoryo. Pero sa dami ng mga nadiskubre, wala namang nadakmang "bigtime drug lord" sa lugar. Para bang nalalaman na magkakaroon ng raid sa laboratoryo kaya bago pa man makarating ang mga drug enforcers nakasibat na ang mga "salot ng lipunan". Noong nakaraang December 26, nasakote ang bigtime drug lord na si William Gan. Si Gan ang tinuturong may-ari ng mga malalaking shabu labs sa Valenzuela City at Parañaque City.

Hindi nababawasan kundi dumadami pa ang mga laboratoryo sa kabila nang sunud-sunod na pagsalakay. Kataka-taka na kung kailan pa nabasag ay saka pa dumami ang mga laboratoryo. Sabi ng PNP, may kabuuang 16 laboratoryo na ang kanilang nabasag mula nang magsimula ang kampanya may pitong buwan na ang nakararaan at may P13 billion halaga ng shabu ang kanilang nakumpiska.

Kapuri-puri ang mga pagsalakay pero ang tanong ay bakit nga patuloy pa ang pagdami ng shabu at marami ang "bumabatak". Maski sa mga liblib na barangay sa lalawigan na wala pang kalsada at hindi pa naaabot ng koryente ay kataka-takang mayroon nang shabu. Marami nang kabataan ang ginawang halimaw na nagdudulot ng problema sa komunidad. Tumaas ang insidente ng panggagahasa at pagpatay.

Ang problema sa droga ay hindi nababawasan kundi nadadagdagan pa. Isang dahilan ay sapagkat maraming bugok na itlog sa mga awtoridad. May mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) na protector ng drug lord.

Paunlad nang paunlad ang paggawa ng shabu at mas lalo pang ginawang katakam-takam para kaululan ng kabataan, mga propesyunal, miyembro ng media, basketball player, artista at ilang bugok na pulis. Nilalagyan na ngayon ng flavor ang shabu. Iba’t ibang kulay na upang maging kaakit-akit. Mayroon na rin silang "research and development" facility.

Talbos lang ang napitas sa kampanya ng pamahalaan laban sa illegal drugs. Kalingkingan lang at hindi ang hinlalaki. Ang naputol ay sumisibol uli. Ipagpatuloy pa ang pagmamanman sa mga drug lord at sibakin naman sa puwesto at pagkaraa’y ikulong ang mga mapapatunayang protector. Kailangan din naman ang partisipasyon ng mamamayan sa drug problem. Ireport sa mga awtoridad ang mga kahina-hinalang kilos ng mga tao lalo pa kung ito ay bago lang sa lugar.

DRUG

IPAGPATULOY

METRO MANILA

PHILIPPINE NATIONAL POLICE

SHABU

SI GAN

VALENZUELA CITY

WILLIAM GAN

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with