Sertipiko ng kamatayan

KUMUHA ng life insurance policy si Flora noong December 16, 1988 sa halagang P100,000.00 kung saan naitala ang kanyang kapatid na si Elvie bilang beneficiary. Non-medical ang kanyang insurance kaya hindi na hiniling ng kumpanya mula sa kanya ang medical examination at ibinase na lamang sa kanyang application form ang policy nito na na-isyu noong February 11, 1989.

Noong April 1992, nakatanggap ang Insurance Company ng notice of claim mula kay Elvie kung saan hinihingi nito ang kabayaran ng policy ni Flora. Sinabi niya na namatay na si Flora sanhi ng malalang pneumonia noong September 16, 1991. Samantala, bago pa man ang claim ni Elvie, napag-alaman na ng kompanya na namatay na ito noong 1988 ayon sa panayam ng doktor ng kumpanya sa bayaw ni Flora. At dahil hindi tugma sa claim ni Elvie, nagsagawa ng dalawa pang imbestigasyon ang kumpanya. Ayon sa unang report na base sa panayam sa isang pamangkin ni Flora, labing-apat na tao nang patay ito. At ang ikalawang report ay nagsasabing namatay naman si Flora sa isang aksidente ng kotse noong 1985, na ayon naman sa panayam muli ng doktor ng kompanya sa mga kapitbahay ni Flora.

Hindi natinag si Elvie. Iginiit pa rin niya ang kanyang claim na namatay si Flora sanhi ng malalang pneumonia noong September 10, 1991 kung saan ang katawan nito ay nakalibing sa kanilang bakuran. Isinama rin ni Elvie ang municipal health officer na nagpatunay na nasaksihan nito ang huling dalawang araw ni Flora bago malagot ang hininga nito. Ayon sa opisyal, siya rin ang nakapirma sa death certificate ni Flora. At para mapagtibay pa ang claim ni Elvie, isinama rin niya ang isang kapitbahay na saksi sa kamatayan at burol ni Flora.

Hindi kinilala ng Insurance Company ang mga pagpapatunay ni Elvie. Ayon dito, matagal nang napawalang-bisa ang policy ni Flora dahil sa panlolokong nangyari kung saan namatay na pala ito bago pa man ang aplikasyon. Tama bang itanggi ng kumpanya ang claim ni Elvie?

MALI.
Ang death certificate at ang mga detalyeng naitala rito ng municipal health officer ay pinakamatinding patunay ng kamatayan ni Flora. Ito ay dokumentong publiko kung saan ang mga nakatala rito ay ipinapalagay na totoo at ginawa sa regular na pagganap ng tungkulin ng nasabing opisyal.

Kaya, ang kamatayan ni Flora base sa sertipikong ito ay dapat na kilalanin at si Elvie ay makakatanggap ng P100,000.00 kasama ang interes bilang beneficiary at P20,000.00 attorney’s fees (Philamlife vs. Court of Appeals G.R. No. 126223 November 15, 2000).

Show comments