^

PSN Opinyon

"Trahedya sa gitna ng Pag-ibig" (Huling Bahagi)

CALVENTO FILES - Tony Calvento -
INILAHAD ko noong nakaraang Huwebes na galit na galit si Lito kay Lani dahil napahiya siya ng biglang nag-alsa si Lani dahil sa pangungulit ni Lito sa kanya.

Pagpasok niya sa loob ng restaurant, hinanap niya si Lani at lumapit siya. Marami ang nakakita ng buong pangyayri. Dapat nating tandaan na maraming estudyante ang kumakain sa lugar na yon at eksaktong lunchbreak. Nangyari ang krimen ng tanghali at maliwanag pa ang buong kapaligiran.

Nilapitan ni Lito si Lani sa kinauupuan nito na hawak pa rin ang kanyang baril.

Tinitigan niya ito matalim. Ang mga ibang kumakain na nakaramdam na may masamang mangyayari ay lumayo sa mesa ni Lani.

Inumpisahan niyang sigawan at murahin si Lani. Galit na galit siya at nanginginig sa galit ang kanyang boses.

Nang makita ito ni Ferdie, isang kabayanihan o testamento ng kanyang pag-ibig para sa kanyang itinatangi ang kanyang ginawa. Nilapitan niya si Lito at sinubukang pigilan ito sa kanyang maitim na balak. Iniharang niya ang kanyang katawan upang maprotektahan si Lani.

Dahil sa ginawa ni Ferdie, binalingan siya ng galit ni Lito at binaril siya nang malapitan. Tinamaan si Ferdie sa leeg at sa lakas ng tama ay bumalandra si Ferdie kay Lani na umaagos ang dugo mula sa kanyang sugat sa lalamunan. Napatumba si Lani nang madaganan siya ni Ferdie. Napuno ng dugo ang uniporme ng dalawang magkasintahan. Halos mapalitan ang puting-puti na suot ng mga doctor ng kulay pula.

Samantala, hindi pa rin nasiyahan o natauhan itong demonyong suspek na ito. Lumapit siya kay Lani naman itinutok ang baril. Walang awa niyang binaril ang isang babaeng wala namang kalaban-laban. Isang pagpapatunay na si Lito Lumbera ay isang duwag.

Sa dibdib ang tama ni Lani kaya’t pareho sila ni Ferdie na halos sabay namatay at magkatabi.

At sa kahuli-hulihang sandali ng pagkabaliw, lumuhod pa si Lito sa tabi ni Ferdie at binaril pa niya ito ng isang beses upang siguruhin na patay na talaga ito.

Nagkagulo sa loob ng restaurant. Ang dating puno ng mga estudyante ang loob nito para doon kumain ay nawalan ng tao. Nagmistulang ‘ghost town’ ang lugar.

Ayon pa sa ibang mga testigo, nakita nila si Lito na para bang walang nangyari. Uminom pa ng softdrink bago niya nilisan ang lugar at sumakay papalayo sa ‘Kawayan’ restaurant.

Si Lani at Ferdie ay tinakbo sa tapat lamang ng Perpetual Help Hospital. Kahit ano pang gawin ng mga doktor doon, patay na sila.

Ang magkasintahan ay idineklarang ‘dead-on-arrival’ ng mga doktor na naroroon.

Si Lani at Ferdie ay nangako sa isa’t isa na may mag-iibigan ng panghabambuhay. Natupad ang pangako sa kanilang sarili na hindi nila iiwan ang isa’t isa. Hanggang sa kamatayan sila ay magkasama. Nasisiguro ko rin na hanggang sa langit kasama sila ng ating Panginoon.

Samantala si Lito Lumbera ay nagtago at hindi na nagpakita pa matapos ang insidenteng naganap. Maraming impormasyon ang kumalat kung nasaan ang kinaroroonan ni Lito. Merong nakapagsabi na may isang heneral tumutulong dito para makaalis patungong ibang bansa at ineskortan pa hanggang paliparan subalit ng harapin ko ang heneral na ito upang diretsahang tanungin kung totoo nga ito. Gaya ng inaasahan ko, itinanggi ito ng heneral.

Anong klaseng tao itong si Joselito Lumbera na hindi makatanggap ng pagkabigo o pagkatalo sa larangan ng pag-ibig kung saan ang pagiging maginoo ay sukat ng isang tao. Isa siyang pikon at duwag.

Nakatanggap din ako ng balita na sumapi si Lito sa NPA at nagsisilbing doktor sa kanilang medical team subalit tahasang sinabi sa akin na hindi sila tumatanggap ng ganoong uri ng tao.

Dapat lamang na lumantad at pagbayaran ni Lito ang kanyang ginawa.

Para sa anumang reaksyon maaari kayong mag-text sa 09179904918. Maaari din kayong tumawag sa 7788442.

DAPAT

FERDIE

ISANG

JOSELITO LUMBERA

KANYANG

LANI

LITO

LITO LUMBERA

SI LANI

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with