Banta sa Senado, imbento lang ba?
NAGING laman ng mga balita kamakailan ang pagpapatupad ng heightened alert at ang pag-iral ng work-from-home setup sa Senado kasunod ng mga ulat mula sa National Bureau of Investigation (NBI) hinggil sa mga seryosong banta sa seguridad.
Ayon kay Acting Senate President Win Gatchalian, kailangan ang pag-iingat habang bineberipika ng mga otoridad ang nasabing impormasyon.
Ang tanong ng karamihan ay totoo bang may threat o imbento lang dahil umiiwas lang sa ibubunyag muli ng 18 ex-Marines na binansagan ni Palace Press Officer Usec. Claire Castro na “18 Maleta boys” o “18 Basurero” habang tinawag naman ni Sen. Raffy Tulfo na “18 Kargador” ang nasabing mga nagpakilalang dating bodyguards ni ex-Ako Bicol Rep. Zaldy Co.
Grabe ang kapangyarihan ni NBI Director Melvin Matibag, biruin mo buong Senado ay napasara niya dahil sa nakalap niyang intel na may threat daw.
Sa gitna ng takot at paghihigpit na ito, may isang tanong na pumapasok sa isip ng karaniwang Pilipino kung ligtas ba ang Senado, o inililigtas lamang ang sarili nilang mga interes? Lumalabas na iba-iba ang interpretasyon ng mga politiko kung saan nga ba talaga nanggagaling ang panganib.
Ang nakapagtataka kung gaano kabilis magdeklara ng heightened alert ang mga opisyal kapag ang kanilang mismong tanggapan ang nanganganib.
Pero, ang mga ordinaryong mamamayan na naghahanapbuhay sa kalsada na araw-araw na humaharap sa iba’t ibang uri ng banta ng krimen, kahirapan, at kawalan ng katiyakan ay ang tagal nilang umaksyon.
Hindi sinasabi na dapat balewalain ang mga banta sa mga senador. Ang punto ay isyu ng prayoridad na serbisyo publiko na hindi dapat natatapos sa loob ng isang ligtas, naka-lockdown, at naka-aircondition na bulwagan.
Para kay Atty. Salvador Panelo, ang tangkang pag-aresto ng NBI kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa ang nagdulot ng kaguluhan sa Senado at ang mismong ahensiya ng gobyerno ang maituturing na malaking banta sa kaayusan ng Senado.
Kinuwestyon din ni Senate President Alan Peter Cayetano na kung may banta sa Senado ay bakit pili lang ang nakakaalam.
Inaabangan ng ordinaryong Pilipino kelan matatapos ang banta sa Senado at kung mayroon talaga?
- Latest




















