Kaso ng regular project employee

SI Elisa ay data encoder ng isang kompanya at per ora ang bayad, para sa partikular na proyekto at tatlong buwan lamang ang kanyang trabaho.

Nang matapos ang unang kontrata, pumasok muli si Elisa sa 12 pang katulad na kontrata ng kompanya kung saan ang bawat isa ay nagtatagal din ng tatlong buwan. Makalipas ang halos tatlong taon na pagtatrabaho sa kompanya na tatlong buwan ang bawat kontrata, nakatanggap si Elisa ng sulat mula sa Administrative Office kung saan siya ay inabisuhang tatanggalin na sa serbisyo sanhi ng mababang produksyon ng trabaho.

Sa paniniwalang ang sulat na ito ay sanhi ng kanyang pagsama sa petition for certification election na isang unfair labor practice (ULP), nagsampa siya ng reklamo sa NLRC para sa illegal dismissal. Inireklamo rin niya ang hindi pagbabayad sa kanya ng service incentive leave benefits at underpayment ng 13th month pay.

Ayon naman sa kompanya, ang pagkakatanggal ni Elisa ay nararapat. Si Elisa bilang data encoder ay isa raw empleyado para sa partikular na proyekto at sa tiyak na panahon na tatlong buwan lamang. Malinaw daw ang kundisyong ito nang tanggapin nila si Elisa sa trabaho. Kaya, nang matapos na ang proyekto, ang kontrata ng empleyo ni Elisa ay nagtapos na rin. Tama ba ang kompanya?

Tama ang kompanya nang sabihin nilang project employee si Elisa. Subalit kahit na project employee si Elisa, nakuha na niya ang status ng isang regular na emleyado dahil 1) tuluy-tuloy ang pagkuha sa kanya sa bawat pagtatapos ng proyekto at 2) ang kanyang trabaho ay napakahalaga at hindi maaaring mawala sa negosyo ng kompanya.

Bilang regular na empleyado, si Elisa ay may kaseguruhan sa pananatili sa kompanya at maaari lamang matanggal sa mga kadahilanan ayon sa Artikulo 279 ng Labor Code. Samantala, ang mababang produksyon ng trabaho at pagtatapos ng proyekto bilang mga dahilan ng kanyang pagkakatanggal ay hindi balidong dahilan base sa Labor Code. Kaya, muli siyang maibabalik sa trabaho at matatanggap muli ang dating benepisyo. (Imbuido vs. NLRC et. al. G.R. No. 114734 March 31, 2000)

Show comments