Kamakailan, sinuspinde sa loob ng 90-araw ng Sandiganbayan Fifth Division si Soriquez kasama ang apat na iba pang opisyal ng DPWH na sangkot sa Mega Dike Scam.
Pero dapat nga ba tayong matuwa? Bakit hindi mabakbak sa kanyang upuan si Soriquez sa kabila ng utos ng Sandiganbayan? Ipinagyabang pa diumano ni Soriquez sa isang press conference na hindi siya kayang patalsikin ng Sandiganbayan. Itoy pag-alispusta di lamang sa justice system kundi sa administrasyong Arroyo na seryoso sa kampanya laban sa katiwalian.
Itoy isang test case sa administrasyon upang patunayang hindi pabalat-bunga ang mga kampanya nito laban sa korupsyon. Tama si Tolentino. Dapat tiyakin ni Executive Secretary Alberto Romulo ang agarang implementasyon ng suspension order ng Sandiganbayan.
Tinawagan din ng pansin ni Tolentino ang Ombudsman na aksyunan ang matagal nang nakabinbing reklamo laban kay Soriquez hinggil sa pagkakasangkot nito sa pagbabayad ng danyos na P50 milyon sa di natuloy na road project sa Tarlac ng AG Marfori Construction.
Naunang nirekomenda na ng mga consultants ng foreign-assisted road projects na ito na huwag magbayad ni kusing sa hinihinging "danyos" na P150 milyon ng naturang kompanya samantalang ang ikalawang komite na nagrepaso sa kaso ay nagrekomenda lang ng danyos na P2.5 milyon. Pero bakit nang dumaan kay Soriquez na siyang direktor noon ng Mt. Pinatubo Committee Rehabilitation, pinayagan niyang mabayaran ang construction firm ng P50 milyon? Tsk..tsk!