Maliban kay Rene, masayang tinanggap ng 50 security checkers ang alok ng kompanya kasabay ang pagpirma nila sa affidavit of quitclaim. Sa araw ng pagbibigay ng kompanya ng ipinangakong halaga, hindi sumipot si Rene. Kaya noong Oktubre 11, 1991, sinulatan ng kompanya si Rene upang ulitin ang alok nito. Nakasaad din sa sulat ang pormal na pagtatanggal ng kanyang serbisyo sanhi ng paggamit ng cost-saving devices ng kompanya.
Hindi natinag si Rene sa sulat. Makalipas ang ilang buwan ay nagsampa na siya ng reklamo sa labor arbiter. Iginiit ni Rene na hindi legal ang naging hakbangin ng kompanya sa pagtanggal sa kanila. Hindi raw ito sumunod sa itinakda ng batas na 30-day written notice kapag ang isang kompanya ay magsasagawa ng retrenchment. Samakatuwid, ipinagkait nito na mapakinggan ang kanyang panig at maimbestigahan ng DOLE ang legalidad ng naging sanhi ng pagtatanggal sa kanila.
Depensa ng kompanya na mas mainam ang alok nitong bayaran na lamang si Rene ng kabuuang suweldo sa buwan ng Oktubre kaysa sa 30-day prior formal notice, kung saan magkakaroon pa ito ng panahon na makahanap ng panibagong trabaho. Tama ba ang kompanya?
Mali. Ipinag-utos ng batas na kinakailangang abisuhan ang tatanggaling empleyado ng isang written notice. Hindi nito binibigyan ng option ang employer o ang isang kompanya na palitan ang kinakailangang 30-day prior formal notice ng pagbabayad ng 30 days salary.
Hindi mababayaran ng 30 days salary ang masamang epektong idudulot nito sa katauhan ng isang natanggal na empleyado. Layunin ng nasabing notice na mabigyan ng sapat na panahon ang empleyado upang makapaghanda bago pa man siya matanggal sa serbisyo. Samantala, binibigyan din nito ng pagkakataon ang DOLE upang alamin ang legalidad ng naging sanhi ng pagtanggal sa mga empleyado.
Kaya, makukuha ni Rene ang full backwages mula Oktubre 11, 1991 hanggang maging pinal ang desisyon sa legalidad sa sanhi ng pagtanggal sa kanya sa trabaho. (Serrano vs. NLRC et.al. 117040 May 4, 2000).