Diktador GMA?

MGA panyerong mamamahayag, kwidaw tayo sa pagbatikos sa administrasyon. Mukhang paparating na ang martial law II at ang mga media personalities na kritikal sa administrasyon ay baka isa-isang pagdadamputin at ikalaboso gaya ng nangyari noon.

Buti kaya’y pumuri na lang tayo nang pumuri sa Arroyo administration. Yun bang AMEN o Alleluya MEdia Network! Kung may "bahong" naaamoy, takpan ang ilong. Kung may katiwaliang nakikita, takpan ang mata.

Bakit nasabi ko ito? Napalathala kasi sa mga pahayagan ang diumano’y pagtataray, pagsopla at pagkastigo ng ating kagalang-galang na Pangulo kay Tina Pangilinan-Perez, reporter ng GMA-7. Ang dahilan, gumawa ng exclusive interview ang pobreng reporter kay Sen. Gringo Honasan, ang ipinagdiriinan ng administrasyon na utak sa nabigong kudeta kamakailan. Inakusahan ng Pangulo si Tina ng"abetting rebellion." Nanunulsol daw ng rebelyon. Que pobresita! Hangad lang ng reporter na magkaroon ng balanseng pag-uulat.

Mukhang ibig na ng administrasyon na kontrolin ang media gaya nung araw. Lahat ng pahayagan, radyo at telebisyon ay puro bow lang ng bow sa gusto ng namumuno.

Puwede sigurong gawin ng ilang media practitioners yan. Yung mga may prinsipyo ay baka magretiro na lang o lumaban underground, sa halip na magpagamit sa isang authoritarian regime. Pero ano naman ang magiging epekto sa inyong image Madam? Baka maihanay po kayo kina Hitler, Mussolini, Idi Amin, Saddam Hussein at kung sinu-sino pang infamous characters sa kasaysayan ng daigdig.

Alam kong hindi n’yo talaga hangad na sikilin ang media Mrs. President. Hindi ganyan ang character ninyo. Marahil, may nakapagpayo lang sa inyo na gawin iyan. Kung sino man ang tao (o mga tao) na iyan, tiyak ko na gusto kayong ibagsak, Madam President Arroyo. Ang media ay salamin para makita ng namumuno ang mantsa sa kanyang mukha at pahiran. Kung minsa’y nasa salamin ang dungis pero hindi nangangahulugan na hindi na tayo dapat manalamin. Huwag sanang sikilin ang demokratikong pamamahayag.

Show comments