Ehemplo si Aldam Tilao alyas Abu Sabaya, nasawing Abu Sayyaf spokesman. Nung kasagsagan ng pangingidnap nila ng mga Kristiyanot dayuhan, hindi siya nagdadalawang-isip pumugot ng ulo. Parang laro lang sa kanya. Minsan, pinahiwa niya ang dibdib ng dalawang babaing guro, at pinabunutan ng kuko ang isang pare. Ang nakakapagtakay laki sa Catholic school si Sabaya. At ayon sa interviews, wala naman siyang masamang karanasan sa mga kababatang Kristiyano.
Si Muklis Yunos ng MILF, dagling umamin na pasimuno sila ni Fathur al-Ghozi sa Rizal Day 2000 bombings sa Metro Manila. Bale-wala sa kanya na 22 sibilyan ang nasawi at mahigit 100 ang nasugatan. Ganti raw yon sa paglusob ng AFP sa Camp Abubakar. Napaluha lang si Yunos nang malamang itinatakwil siya ng pamunuan ng MILF. Ganunpaman, handa raw siyang masentensiyahan ng lethal injection.
Mas malala si Imam Samudra, arestadong pinuno ng pagsabog sa Bali, Indonesia, kung saan 212 ang patay at libo ang nasugatan. Tuwing may bista, sumisigaw siya paulit-ulit na "Allahu-akbar (Dakila si Allah)." Tinatanggi niya ang pamumuno, pero tama raw ang nangyari. Ganti raw yon sa paglusob ng US sa Afghanistan. Bale-wala rin sa magkapatid na Amrozi at Mukhlas, na nag-plant ng mga bomba, na Australians at di Kano ang karamihan sa pinatay nila.
Higit-nakapagtataka ang suicide bombers sa Palestine. Kadalasay di lalampas sa 24 ang edad, nakapag-high school o college, at maykaya ang pamilya. Apat sa kanila ang nag-suicide mission nung 2002 miski malapit nang ikasal. Nagbibigay si Saddam Hussein ng $50,000 kada pamilya ng suicide bombers. Pero hindi pera ang motibo. Wala na si Saddam, patuloy pa rin ang suicide missions.
Karamihan ng Muslim leaders sinasabi na labag sa Islam ang terorismo. Walang pahayag ang Koran na pumatay ng mga inosente.