Pero sa totoo lang mga suki may delicadeza rin pala si Chairman Edgardo Moreno ng nabanggit na barangay. Hindi rin pala niya kinukunsinti ang mga pa-bookies at sa katunayan may insidente roon na nabatukan pa siya dahil sa kapipilit niyang magsara ang delanterang puwesto sa kanto ng West Vigan at Domingo Santiago St. na ang operator ay si Apeng Sy, na nagyayabang naman na kaibigan niya si Martinez. Sinabihan pala ni Moreno si Jun Puroy, ang may-ari ng bahay, na magsara dahil nakatiwangwang ang bookies niya. Siyempre ayaw ni Puroy dahil mawawala ang kita niya. At sa kasamaang palad nabatukan pa si Moreno ng isang siga sa lugar nila?
Kung kumilos man si Martinez noong nakaraang linggo, sa tingin ng mga residente eh pahapyaw lang. Kasi sumulpot ang mga pulis na sina Ramirez at Sy, mga bagman ni Martinez, sa area noong nakaraang Biyernes at sinabihan ang mga may-ari ng bahay na magtabi muna, he-he-he! At dahil kina Ramirez at Sy nagsara nga ang mga puwesto nina Apeng Sy, Boy Abang, Milo Samson at Tom Pulis. Ang akala ng mga residente, hulog ng langit ang pagdating sa kanila nina Ramirez at Sy, pero laking gulat nila nang matapos ang dalawang oras eh nagbukasan na namang muli ang mga puwesto ng karera.
Paano maibabalik ang tiwala ng ating kapwa Pilipino sa ating kapulisan niyan?
Sinabi pa ng mga residente na hindi kumpleto ang ating ibinulgar noon dahil hindi lang karera kundi maging jueteng ay talamak na sa area ni Martinez. Ang isang malaking kubrador pala ni Tony Santos ng Marikina City na si Ruben Cunanan ay namumugad diyan mismo sa Sta. Mesa. Kung uupakan na rin lang ng Jericho ang karera sa kanilang lugar, gusto ng mga residente na isama na rin si Cunanan para panatilihing malinis na ang kanilang barangay sa ilegal na sugal.
Para naman sa kaalaman ni Chief Supt. Manuel Cabigon, ang hepe ng Jericho, naritong muli ang mga financiers at listahan ng mga may-ari ng bahay kung saan ang mga karera ay matatagpuan. Maliban kay Jun Puroy, may puwesto pa si Apeng Sy na matatagpuan naman sa bahay ni Boyet Start sa 721 Domingo Santiago St. din. Ang kay Tom Pulis naman ay sa bahay ng isang Allan Nicdao sa 633-G Domingo Santiago St. at Caloy Capin sa 3420 West Vigan habang ang kay Milo Samson naman ay sa bahay ni Agaton Lacap sa 887 Leo St. sa Balic-Balic, Sampaloc at Carlito Due sa 1908 Mindanao Ave., sa Sampaloc din. Ang bookies king ng Maynila na si Boy Abang na matatagpuan sa bahay ni Tess Ballesteros sa 3390 West Vigan, Manuel Nicolas sa 3409 West Vigan, Nestor Pamero sa 799-M Mindanao Ave., Sampaloc at Rossana Pastrana sa 837 Mindanao Ext. sa Balic-Balic, Sampaloc, he-he-he! Bilang na ang mga araw nyo diyan mga igan.