Ang problema ko ay tungkol sa lupang kinatitirikan ng aming bahay. Tatlumpung taon na kaming nakatira rito sa lupang hindi namin pag-aari. Mula nang tumira kami rito wala pang pumunta sa amin upang angkinin ang lupang ito. Hanggang mayroong isang taong nagpakilala na siya ang may-ari nito. Mahigit 50 katao ang nakatira rito.
Nabasa namin sa diyaryo ang inyong kampanya laban sa squatting syndicates. Natatakot kami na baka maloko rin kami. Nais din naming bilhin na ito. Paano ba kami makakasiguro sa lupang aming bibilhin? Sa paanong paraan namin ito mabibili.
ELVI ng Quezon City
Upang makasiguro sa lupang inyong bibilhin, ang lupa ay kinakailangang may titulo o Transfer Certificate of Title (TCT). Kung mayroon kayong pangamba sa integridad nito, i-research ninyo ang traceback title nito. Kailangang magkakatugma ang nakalagay na titulong pinagmulan ng mga naunang titulo. Siguraduhin lamang na hindi ito Spanish title.
Pagkatapos makasiguro, maaari kayong mag-avail ng Community Mortgage Program. Kailangan lamang na pumapayag ang may-ari na ibenta ang kanyang lupa sa inyo at nakalagay ito sa dokumentong Intent to Sell. Ang lupang inyong bibilhin ay kailangang may klasipikasyon na residensyal.
Kung kayo ay isang asosasyon, maaari kayong makipag-ugnayan sa CMP Secretariat sa National Home Mortgage Finance Corporation (NHMFC) sa telepono numero bilang 893-1501 sa karagdagang impormasyon. Kung hindi kayo naorganisa bilang isang asosasyon, maaari rin kayong tumawag sa nasabing numero upang mabigyan kayo ng kaukulang impormasyon kung paano kayo maging isang asosasyon.
SEC. MIKE DEFENSOR