Palagi ko pong sinusubaybayan ang inyong kolum dito sa Pilipino Star NGAYON. Natutuwa po ako sa inyong mga makabuluhang programa sa Pag-IBIG.
Labinlimang taon na po akong nagbabayad ng kontribusyon sa Pag-IBIG. Ngunit wala po ako sa retiradong edad. Maari ko na po bang i-withdraw ang aking mga kontribusyon? Kinakailangan ko lang para pambayad sa pagkakautang.
EDGAR CRUZ, Maynila
Sinumang miyembro ng Pag-IBIG ay maaaring mag-withdraw ng kanyang kontribusyon sa sumusunod lamang na kalagayan. 1) Permanenteng paninirahan sa ibang bansa; 2) Separation sa serbisyo dahilan sa problema sa pangangatawan ayon sa nakasaad sa batas; 3) Pagretiro sa edad na 65, o pagretiro sa sumusunod na kuwalipikasyon: a) nagretiro rin sa GSIS, SSS o ibang retirement employment plan ngunit kailangan siya ay nasa edad na 60 at b) Kahit siya ay nagtatrabaho pa rin kung siya ay nasa edad na 60 at hindi wala siyang utang sa Pag-IBIG. 4) Membership Maturity kung nagbibigay siya ng kontribusyon sa loob ng dalawampung taon at mayroon na siyang 240 na kontribusyon; 5) Pagkamatay; 6) Total disability or insanity;
Ang mismong miyembro o sinumang binigyan ng karapatan sa pamamagitan ng Special Power of Attorney ay maaaring mag-file ng Provident Benefits. Ang Identification Cards ng miyembro at ng Attorney in Fact ay kinakailangang iprisinta sa tanggapan ng Pag-IBIG.
Sa karagdagang impormasyon, maaari kayong tumawag sa 811-4401 to 27.