^

PSN Opinyon

Bastusan na

SAPOL - Jarius Bondoc -
HINDI matiyak kung kelan nagbago ang ugali ng mga Pinoy. Ang tiyak ay laganap na ang kawalan-respeto sa isa’t isa at sa mga institusyon. Wala na ang mga dating alituntunin ng kabutihang-asal. Bastusan na.

Masdan ang Senado at Kamara. Dati, may "interchamber courtesy," kaya hindi nagbabangayan ang dalawa. Pero ngayon, binabanatan ng mga senador ang Kamara, at ng mga kongresista ang Senado. Sa loob ng kanya-kanyang chamber, nagsisiraan din sila. Tinutularan ng madla ang asal-hayop ng mga lider. Kaya kung may Senate leadership coup, meron din sa mga barangay o student councils o civic organizations. Kung may House privilege speech laban sa Korte Suprema na simbigat pero hiwalay na sangay ng gobyerno, nagpaparatang din ang madla sa isa’t isa.

Masdan din ang media. Maraming exposé kuno ay batay lang sa haka-haka at di sa masusing saliksik. Meron lang kainisan si mediaman, isyu na. Ang maunang magparatang, pinaniniwalaan. Tinutularan din ng madla. Ang haka-haka, pinalalagay na katotohanan.

Pati simbahan, wala nang respeto sa kapwa-institusyon. Kung sermonan ang gobyerno at media, akala mo’y hindi nagkakasala. Pero kung may malaking sabit ang pari o obispo, pinagtatakpan. Ginagaya ng madla. Tinatago ng pamilya ang krimen ng kaanak, imbis na itakwil.

Sa negosyo, bastusan na rin. Ang matalo sa bidding, hahanap ng butas para hindi ma-award ang kontrata sa kalaban. Misdeal, kumbaga sa baraha. At uso ang panloloko sa customer, imbis na ganap na pagsilbi. Tinutularan din ng maliliit. Lokohan sa munting pasahe, sukli o trabaho.

Ang simbahan ang first estate. Ang gobyerno, second. Ang negosyo, third. At ang media, fourth estate. Mga institusyon sila para patatagin ang lipunan at balansehin ang kapangyarihan. Pero ang pagbabalanse at dapat segun sa respeto sa isa’t isa at pagsunod sa mabuting-asal. Kung basta lang magtitirahan, nayuyugyog ang lipunan. Kaya naman napaka-gulo ng bansa ngayon. Sira na kasi ang apat na estate.
* * *
Abangan: Sapol ni Jarius Bondoc, Sabado, 8 a.m., sa DWIZ (882-AM).

JARIUS BONDOC

KAMARA

KAYA

KORTE SUPREMA

MASDAN

PERO

SENADO

TINUTULARAN

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with