EDITORYAL - Paano magtitiwala sa NBI?

MARAMI nang bukol ang National Bureau of Investigation (NBI). Sunud-sunod ang pagkakasabit ng tanggapang ito sa mga malalaking kontrobersiya. Mismong mga tauhan nila ang nagpapaguho. May tauhang sangkot sa pangangarnap ng kotse ng isang senador, may tauhang sangkot sa pagkawala ng kilu-kilong shabu, may mga tauhang sangkot sa pag-iistak ng dinamita, at noong Biyernes, ang hepe naman ng medico-legal ang nasabit sa kontrobersiya. Naaktuhan si Dr. Maximo Reyes na tumatanggap ng P200,000 mula sa isang doctor sa Carmen, Pangasinan. Naganap ang extortion sa mismong headquarters ng NBI sa Taft Avenue, Manila. Sa lahat ng mga kontrobersiya, pinaka-matindi ang ginawa ni Reyes.

Ayon kay NBI Director Reynaldo Wycoco, iniimbestigahan ng NBI-Pangasinan ang kaso ng isang doctor na nagngangalang Lenet Chan. Si Chan ay inakusahan ng medical malpratice makaraang mamatay ang pasyente nitong idinaan niya sa ceasarean operation. Inawtopsiya ang namatay na pasyente at lumalabas na may pagkukulang ang nasabing doctor. Gayunman, sinabi ng medico-legal unit ng NBI roon na maaaring "maayos" ang awtopsiya. Ang offer ay galing umano kay Reyes, ayon pa kay Wycoco. Kasabwat umano ni Reyes ang isa pang NBI doctor na nagngangalang Jet Castro na may 10 buwan pa lamang naninilbihan sa nasabing tanggapan.

Isinailalim sa entrapment operation si Reyes at natiklo. Positibo siya sa "powder tests". Sinibak na noong Sabado si Reyes.

Maaaring "ayusin" ang lahat kapalit ng pera. Ganito ang kalakaran sa mga tanggapan ng gobyerno ngayon. Mahirap tanggapin pero iyan ang katotohanan. Nakabalot ang corruption. Sa kaso ni Reyes, na maaari palang ayusin ang autopsy report, tiyak na matagal nang nangyayari ang ganito. Ang mga kaso ng pagpatay ay nawawalan ng saysay dahil sa pagbabago ng autopsy report. At sa kaso ng namatay na pasyente dahil sa "kawalang kakayahan" ng doktor, kawawa naman kung hindi nakakuha ng hustisya. Kung nakalusot ang doktor sa unang pagkakataon, maaaring makalusot muli sapagkat maaaring tapalan ng pera ang matatakaw na buwaya sa NBI.

Lahat ng kontrobersiya ay nasa NBI na. Sangkot sa illegal drugs, carnapping, abusadong agent at pati mandodoktor ng autopsy report. Ano pa ang susunod na aalingasaw sa NBI?

Show comments