EDITORYAL Pagbayarin ang mga 'uhaw sa dugo'!
April 4, 2003 | 12:00am
KARAMIHAN sa mga biktima ng pambobomba sa passenger terminal sa Sasa wharf sa Davao City kamakalawa ng gabi ay mga bata. Isang batang lalaki ang natagpuang hawak pa ang kanyang laruan. Biktima rin ang isang walong buwang sanggol. Nakapangingilabot pagmasdan ang lugar ng pinangyarihan ng pagsabog. Nang mahawi ang usok bunga ng pagsabog, natambad ang mga bangkay, at mga sugatang biktima. Labinlima ang iniulat nang namamatay at may 35 sugatan makaraang sumabog ang bomba dakong 7:10 ng gabi.
Karamihan sa mga biktima ay sasalubong sa kanilang mga kamag-anakan na nanggaling sa Maynila, sakay ng M/V Filipina Princess na dumaong dakong 5:30 pm. Ang ilan naman ay naghatid sa kanilang kamag-anak na papunta naman sa Maynila. Masyadong crowded ang lugar, ayon sa report kaya marami ang naging biktima. Masyadong malakas ang pagsabog kaya ang mga katawan ay halos magliparan. Natigmak ng dugo ang lugar.
Ang pangyayari ay naganap halos isang buwan makaraan ang madugong pambobomba sa Davao City International Airport noong March 4 kung saan 24 katao ang namatay at 135 ang malubhang nasugatan. Ang Sasa wharf ay may ilang kilometro lamang ang layo sa airport. Itinanim ang bomba sa waiting lounge ng airport. Mga bata rin ang naging biktima sa pambobombang iyon at pawang sasalubong din sa mga mahal nila sa buhay. Hanggang sa kasalukuyan wala pang nalalambat sa mga gumawa ng karumal-dumal na pagpapasabog. Unang itinuro ng mga awtoridad na mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang nasa likod ng pambobomba sa airport subalit itinanggi naman ng mga rebelde. Ang pambobomba sa Sasa wharf ay itinanggi naman uli ng MILF. Kailan nga ba sila umamin?
Sanay na sa ganito ang kawawang taumbayan. Maraming "uhaw sa dugo" ang nakakalat at kinakailangang maging maingat ang mamamayan. Malaking katanungan naman na paano (na naman???) nakalusot sa seguridad ang nagtanim ng bomba sa Sasa wharf. Paano nailagay ang bomba na hindi natunugan ng mga guwardiya, pulis at iba pang tagapangalaga sa port? Gaano ba kahusay ang Intelligence ng military at pulis at hindi natunugan ang balak. Nasaan ang mga pulis na nagmamanman? Gawain ng mga teroristang "uhaw sa dugo" ang nangyari pero bakit nakalusot sila sa mga awtoridad. Sayang lang ang pondo para sa intelligence kung ganito na sunud-sunod ang pambobomba. Kawawa ang inosenteng sibilyan.
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest
Trending
Latest
Recommended

















