Hamon namin sa mga bastos na collection agencies!
January 24, 2003 | 12:00am
Tiyak na ang paglalathala namin ng kolum na ito, magiging malaking trabaho para sa amin. Layunin naming matukoy ang bawat collection agencies at alamin ang kanilang estilo at pamamaraan ng pambabastos sa kanilang mga kinokolektahan.
Pagmasdan ang salitang aking ginamit KINOKOLEKTAHAN! Dalawang uri ang pangongolekta. UNA, yung agresibo pero magalang at diplomatiko. IKALAWA, agresibo, bastos, walang modo at nananakot pa.
Target namin yung ikalawa. Dito kami nakasentro. Dumadami na ang bilang ng kanilang "tribu". Masahol dito, nagiging malikhain pa ang mga ito sa estilo ng kanilang kabastusan at panggigipit sa telepono.
Hindi namin nilalait ang propesyon ng pagiging isang kolektor lalo na kung alam niya yung sinasabing "the art of collection". Siyay maituturing na professional. Dito, hindi na namin sila puwedeng pakialaman dahil alam nila ang salitang respeto at diplomasya.
Kauna-unahan ang kolum na ito sa pahayagan na magbubukas ng isipan ng taumbayan. Pinag-uusapan natin dito ay ang KARAPATAN.
Malaki ang papel na ginagampanan ng mga bankong may pautang sa pamamagitan ng CREDIT CARDS. Ang mga itoy walang pakialam kahit gamitin ng mga bastos na kolektor ang pangalan ng kanilang banko. Walang pakundangan ang pagsisinungaling ng mga kolektor sa kanilang kinokolektahan sa telepono. Pinaniniwala nila ang kanilang kausap na silay empleyado ng banko, samantalang inuupahan lang naman ang kanilang serbisyo.
Dito ang problema. Kapag hawak ng collection agency ang listahan ng delinquent accounts, wala na silang pinipili. Ang tingin nila, lahat ng nasa listahan ay mga loko-loko, iresponsable. Ang alam lang ay mangutang, di naman marunong magsibayad. Karamihan sa mga kolektor ay may sariling estilo. Dito sa Pinas, iba ang training at sistema ng pangongolekta. Di katangian ng isang magaling na kolektor ang may puso at makatao. Kailangan ditoy may pusong bato at bastos.
Wala sa bokabularyo ng mga "hard core" collector ang unawain ang sitwasyon ng kanilang kinokolektahan. Kahit na ang mga itoy nawalan ng trabaho, namatayan, nagkasakit ang isang miyembro ng pamilya o nawasak ang pamilya. Ang mahalaga ay yung perang makokolekta "whatever it takes". Kulang na lang pagnakawin yung may utang para makabayad.
Sa mga nakaranas ng ganitong klaseng sitwasyon, lumapit kayo sa amin sa pamamagitan ng pagbisita sa aming tanggapan.
Abangan, may karugtong.
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest



















