^

PSN Opinyon

EDITORYAL – Wanted: Taong matapat

-
SA panahong ito na talamak ang corruption sa maraming sangay ng pamahalaan at maging sa pribadong tanggapan, mahirap paniwalaang may mga tao pa ring matapat at mapagkakatiwalaan. Lalo pa ngayon na batbat ng kahirapan, ang taong matapat ay may kahirapan nang matagpuan. Pero nangibabaw si Ma. Fe Sotelo, isang security guard na nagsauli ng P500,000 na naiwan ng isang Chinese sa comfort room ng isang mall. Sa katulad ni Ma. Fe na kakarampot lamang ang suweldo, ang P500,000 ay malaki nang halaga para mabili ang mga pangunahing kailangan niya sa buhay. Maaaring hindi niya iyon isauli at angkinin na lamang. Pero hindi ganyan ang ginawa ni Ma. Fe. Hindi raw niya maaatim na gastusin ang perang hindi naman niya pinagpaguran. Hindi kaya ng konsensiya niya.

Napakaganda ng panuntunan ni Ma. Fe sa buhay. Sana ay ganyan din ang maging panuntunan ng mga opisyales sa pamahalaan na walang takot kung mangurakot sa pera ng bayan. Ganyan sana ang maging ugali ng mga mayayamang negosyante na nandadaya sa pagbabayad ng buwis. Maraming hindi matapat at mapagkakatiwalaan sa Department of Public Works and Highways, Bureau of Internal Revenue, Bureau of Immigration, Bureau of Customs at Philippine National Police at marami pang departamento.

Nagsasagawa ng pagroronda si Ma. Fe sa Festival Mall sa Alabang, dalawang linggo na ang nakararaan, nang isang belt bag ang kanyang natagpuan sa comfort room ng mga lalaki sa basement parking lot. Hindi nagsayang ng panahon si Ma. Fe, dinampot ang bag, tiningnan ang laman at gimbal sa nakabalumbong pera. Madali niyang dinala ang bag sa kanyang hepe at makalipas lamang ang ilang oras, natunton ang may-ari ng bag – si Wang Chao Wei, isang negosyante mula sa Tiangxi, China. Nagtayo ng negosyo rito si Wei. Inalok ni Wei ng perang pabuya si Ma. Fe pero tinanggihan iyon ng dalagang sekyu.

Bihira na nga ang mga nilalang na katulad ni Ma. Fe. Maaaring wala na nga siyang katulad sa mga opisyal at empleyado sa DPWH, Customs, Immigration, at BIR. Kung matutuloy ang pangarap niyang maging miyembro ng PNP madadagdagan ang kakaunting bilang nang matapat na pulis. Kapos sa height si Ma. Fe kaya hindi siya matanggap bilang pulis subalit nagbigay ng pag-asa si PNP chief Hermogenes Ebdane na maaari siyang mapabilang sa police force.

Taong matapat at mapagkakatiwalaan, iyan ang kulang sa lipunan. Sila ang dapat hanapin para mabawasan ang katiwalian na matagal na at paulit-ulit sinasabi ni Mrs. Arroyo na kanyang dudurugin.

BUREAU OF CUSTOMS

BUREAU OF IMMIGRATION

BUREAU OF INTERNAL REVENUE

DEPARTMENT OF PUBLIC WORKS AND HIGHWAYS

FE SOTELO

HERMOGENES EBDANE

MAAARING

MRS. ARROYO

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with