Pinagkagastusan at pinagdebatehan at umabot ng ilang taon bago naging batas ang Clean Air Act. Ang isang masama makaraang maibatas, hindi ito nagkaroon ng ngipin kaya hindi makakagat. Walang implementasyon at naging dekorasyon lamang. Ang mga pumirma sa batas at magpapasunod ay napako ang tingin sa sariling interes. Naagaw ng pulitika. Ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na dapat sanay manguna noong 1999 sa pagbibigay ng suporta sa Clean Air Act ay walang ginawa. Naging abusado ang mga may-ari ng mga pabrika, establisimiyento, ospital at walang takot kung gumamit ng incinerators. Ang paggamit ng incinerators at mga lumang makina ay mahigpit na ipinagbabawal sa batas.
Natulog din naman ang Department of Transportation and Communications (DOTC) at ang Land Transportation Office (LTO). Patuloy ang pagrehistro ng mga bulok na sasakyan na pangunahing nagdudulot ng nakamamatay na usok. Hindi na pinadadaan sa emission test. Dumami pang lalo ang mga tricycle na may two-stroke engines. Patuloy ang pagdagsa ng mga second hand vehicles mula sa China, Korea at Japan. Ang mga sasakyang ito ay karaniwang makikita sa EDSA at nagbubuga ng nakalalasong usok.
Ang pag-asa na makalanghap pa kahit kalinisang hangin ay nakasalalay ngayon sa bagong secretary ng DENR na si Elisea G. Gozun. Pinalitan ni Gozun si Heherson Alvarez na sinibak ni President Gloria Macapagal-Arroyo noong nakaraang taon. Pinanghahawakan namin ang mga sinabi ni Gozun na magkakaroon ng full implementation ang Clean Air Act. Sinabi pa niya na walang makapipigil para ito maipatupad sapagkat ang kalusugan ng taumbayan ang nakasasalay.
Hindi naman sana ningas-kugon ang gagawing pagpapatupad sa batas. At sanay magkaroon na rin ng political will ang DOTC at LTO sa isyung ito. Iligtas ang sambayanan sa killer hangin.