EDITORYAL – Pag-asa
December 25, 2002 | 12:00am

Mas marami ang masaya ngayong Pasko 2002. Ito ay pinatunayan sa isang survey na ginawa ng Social Weather Stations (SWS) mula November 15 to December 2. Walumpu’t dalawang porsiyento sa may 1,200 respondents ay nagsabing masaya sila sa Paskong ito at tatlong porsiyento lamang ang nagsabi na sila ay malungkot o hindi nasisiyahan. Mas marami ang nagsabi na mas masaya ang Paskong ito kaysa Pasko ng nakaraang taon. Mas matamlay anila ang Pasko noong 2001.
Karamihan sa mga tinanong ay nagpapasalamat na sila ay may magandang kalusugan, patuloy na nakasu-survived sa hirap ng buhay at maganda ang relasyon ng kanilang pamilya. Sa kabuuan, maganda ang nangyari sa buong taon kaya maaliwalas ang pagtingin nila sa Pasko. At mas magandang malaman na nakatingin sila nang may pag-asa sa pagsapit ng Bagong Taon. Punumpuno sila ng pag-asa sa hinaharap.
Kung marami ang nagdiriwang ng Pasko nang may karangyaan, saganda sa pagkain, maraming pera at may mga bagong damit, marami rin naman ang nagpapasko sa ilalim ng tulay, LRT at MRT, giray na barung-barong at mga waiting shed, subalit matibay ang kanilang pag-asa na magkakaroon ng pagbabago sa susunod na taon. Magkakaroon din sila ng masaganang Pasko at magiging maginhawa ang kanilang buhay. Magandang malaman na walang kapantay na pag-asa ang hatid ng Pasko ngayong 2002. Ito naman talaga ang dapat na mamayani ngayon ang walang humpay na pag-asa na tunay na simbolismo ng Pasko.
Maligaya at mapayapang Pasko sa lahat!
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest
Trending
Latest
Recommended