Huwag mamangka sa dalawang ilog!

NAMAMANGKA sa dalawang ilog si Presidential Legal Counsel Avelino Cruz. Idineklara niyang walang bisa ang limang kontrata ng pamahalaan sa Philippine International Air Terminals Co. (PIATCO) sa pagtatayo ng NAIA terminal 3. Pero kasabay nito, idinepensa niya ang kompanyang may interes sa NAIA terminal 3 project: Ang Asia’s Emerging Dragon Corp. (AEDC). Wala raw itong kinalaman sa pag-iitsa-puwera sa PIATCO sa Terminal 3 project.

Ang AEDC ay isang consortium ng mga Filipino Chinese businessmen. Ang law firm na dating kinaaaniban ni Cruz ang siyang counsel ng naturang kompanya. Buong pamahalaan ang dawit sa kontrobersya: Ang Malacañang, Kongreso at hudikatura. Bilang abogado ng gobyerno, hindi dapat maghayag ng legal opinion si Cruz na pabor sa alin mang kompanya. May sarili namang abogado si Lucio Tan na nangunguna sa consortium. Dapat magpasya si Cruz kung magbibitiw siya sa pamahalaan at magsilbing abogado ni Lucio Tan.

Bilang pangulo ng Tan’s Basic Holdings Corp. pinabulaanan ni ret. general Salvador Mison ang alegasyon na binraso ni Tan ang pamilya Cheng (ng PIATCO) na bumitiw sa kontrol ng terminal 3, gaya ng alegasyon ni Frank Chavez, abogado ng PIATCO. Sabi ni Mison, pinag-aaralan na ang pagsasampa ng kaso laban sa PIATCO at kay Chavez. Well said. Pero bakit kailangan pang may idagdag si Cruz? Sabi pa niya, kung may-ari ka ng airline company, hindi ka puwedeng magpatakbo ng airport.

AEDC’s unsolicited proposal to build, operate and maintain the terminal was enhanced by PIATCO.
Nakaabot sa korte ang kaso nang mag-petisyon ang AEDC na hindi ito binigyan ng pagkakataong tumbasan ang offer ng PIATCO gaya nang isinasaad sa BOT law. Pero kalaunan ay bumitiw ang AEDC sa kaso. Sinabi naman ng PIATCO sa korte na bagamat iniurong ng AEDC ang petisyon, hindi nito inalis ang orihinal na BOT bid para sa NAIA 3. Kaya kung ang kontrata ng gobyerno sa PIATCO ay mawawalan ng bisa, ang AEDC ang makikinabang.

Show comments