Hindi maganda ang ginawa ni Villarama na katulad din ng ugali ng mga iba pang mga kongresista at mga senador na nagbubunyag subalit hindi naman tumutukoy ng mga pangalan at walang maipresintang ebidensiya. Ang mga exposé ay malimit na ginagawa nila sa pamamagitan ng kanilang privilege hour na alam naman natin na may immunity sila kahit na paninira lamang at walang katotohanan ang pinagsasabi nila rito.
Sa ginawa ni Villarama, marami ang naghuhulaan kung sino ang naturang Cabinet member. Unfair ito sa napakaraming miyembro ng Cabinet sapagkat baka isang inosente ang pag-isipan na siyang tinutukoy ni Villarama.
Hindi tuloy nakatiis si Justice Secretary Nani Perez. Ipinahayag ni Perez na dapat ay ibunyag ni Villarama kung sino ang tinatawag niyang million dollar man at patunayan niya sa pamamagitan ng mga ebidensiya at hindi puro ngasngas lamang. Dahil sa sinasabi nilang unang pagputak ni Perez, napagsususpetsahan tuloy nila ang DOJ Secretary na baka ito ang tinutukoy sa exposé ni Villarama.
Makabubuti kung ilalantad ni Villarama ang tunay na pagkatao ng tinatawag niyang million dollar man. Kapag hindi niya ito nagawa, malas na lamang siya sapagkat wala na siyang karapatan pang pagkatiwalaan upang humawak ng panunungkulan sa bansa. Ganito rin ang aking babala sa iba pang miyembro ng Kongreso at mga opisyal ng pamahalaan.