Sa Central Luzon, kabilang na ang Lubao, Pampanga ang hometown ni Presidente Arroyo, ay balik na naman sa dating gawi ang jueteng. Kung noon ay guerilla-type ang operation sa ngayon ay malawakan na. Ibig kung sabihin hayagan na ang pangungubra ng taya ng mga kubrador. He-he-he! Akala ko jueteng-free na ang Central Luzon?
Sa Bulacan ang nagpapatakbo ng jueteng doon ay sina Abet Viceo, Ayad Viceo, Boy Viceo, Abner Nicolas at Romy Suarez na isang pulis. Ibinulgar ko na ang mga bayan kung saan sila nag-ooperate at ang kubransa nila kada araw. Sa ngayon naman ay ang mga payola ng mga gambling lords sa mga local government officials na dapat lang aksiyunan ni Lina para sabihin ng sambayanan na nasa tamang direksiyon pa rin ang anti-jueteng campaign niya.
Kung ang kampo ni Abet Viceo ang paniniwalaan, tumataginting na P200,000 ang ipinararating niya sa opisina ni San Miguel, Bulacan Mayor Santi Sevilla. Sa opisina ni Baliuag Mayor Lando Salvador ay P300,000 kada buwan; P200,000 monthly ang kay Plaridel Mayor Jaime Bistan at P150,000 naman ang kay Calumpit Mayor Monching Pangandanan. Si Nicolas naman at may lagay na P150,000 kada buwan sa opisina ni Pulilan Mayor Elpidio Castillo, P160,000 ang kay Malolos Mayor Danny Domingo, P100,000 kay Paombong Mayor Domingo Gonzales, at P300,000 ang kay Angat Mayor Leonardo de Leon.
Si Boy Viceo naman ay walang lagay sa bayan ng San Rafael dahil siya pala ang Mayor doon; P250,000 kay San Ildefonso Mayor Galvez; P200,000 kay Pandi Mayor Andres; P300,000 kay Sapang Palay Mayor Roquer at P200,000 kay Mayor Boy Cruz ng Guiguinto. Si Ayad Viceo ay naglalagay ng P150,000 kay Mayor Oble ng Hagonoy samantalang si Suarez ay P80,000 kada buwan kay Mayor Joaquin ng Obando at P120,000 kay Mayor Eddie ng Meycauayan. Sa Arayat, Pampanga P300,000 din ang lagay ni Abet Viceo kay Mayor Espino.
Bilang aksiyon sa pagbubulgar ko, nangako si Calderon na paiigtingin pa niya ang kampanya laban sa jueteng. He-he-he! Sawa na ang sambayanan sa pambobola mo Gen. Calderon Sir. Tapos na ang AGI-ORSITE kayat hayan balik ligaya na naman ang lahat ng nakikinabang sa jueteng. Ano ba yan? Dapat wag sundan ni Calderon ang mga yapak ni Lina at baka pati siya ay maputulan din ng ulo pag nagkataon.