Editoryal - Maging alerto sa mga terorista

NOONG October 10 ay banner story ng Pilipino Star NGAYON na ang sangay ng Al-Qaeda ng teroristang si Osama bin Laden ay nasa Bulacan. Ang pagkakatuklas sa nasabing base ng Al-Qaeda ay lumutang makaraang maka-engkuwentro ng Tarlac Philippine National Police ang pitong hinihinalang miyembro ng mga terorista noong May 1 ng kasalukuyang taon. Napatay ng mga pulis ang isang nagngangalang Khalid Amir at naaresto si Omar Mayuno.

Kinabukasan, October 11, banner naman ng PSN ang pinasabog na bus terminal sa Kidapawan, North Cotabato. Walo ang namatay at 19 ang sugatan sa pambobomba. Hinihinalang mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang may kagagawan ng pambobomba. Hindi umano nakapagbigay ng revolutionary tax ang may-ari ng pinasabog na bus.

Kamakailan lamang, isang videoke bar ang pinasabog din sa isang lugar sa Mindanao na ikinamatay ng isang sundalong Amerikano at dalawang Pinoy. Ang bomba umano ay inilagay sa isang nakaparadang traysikel.

Kung dito sa Pilipinas ay may mga bombang sumasabog at marami ang namatay, mas matindi ang nangyari sa Bali, Indonesia noong Sabado ng gabi kung saan isang car bomb ang sumabog at may 187 ang namatay. Karamihan sa mga namatay ay nasa isang sikat na nightclub. Pinasabog din ang konsulada ng Pilipinas sa Manado. Wala namang iniulat na napinsala.

Ang nangyari sa Bali ay maaaring maganap din dito sa Pilipinas kung ang pamahalaan ay magwawalambahala sa mga report na narito na nga ang mga terorista at gumagawa ng kuta. Ang intelligence ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police ay nararapat paganahin. Hindi dapat magpatulug-tulog ang mga awtoridad lalo sa panahong ito na laganap ang paghahasik ng terorismo ng mga galamay ni bin Laden. Sariwa pa sa alaala ang malagim na pagsabog noong Dec. 30, 2000 kung saan ay marami ang namatay. Pinasabog ang LRT Blumentritt Station, bus station sa Cubao, NAIA at sa may tapat ng US Embassy sa Manila.

Malagim ang nangyari sa Indonesia na isinisisi rin sa pagwawalambahala ni President Megawati Sukarnoputri. Hindi dapat mangyari ang ganitong karumal-dumal na gawain sa kawawang Pilipinas.

Show comments