Sabihin mo nga sa akin ang isang kabiguan sa iyong buhay, hiling ni Tata Poloniong sa akin.
"Nang makatapos ako sa medical school, gusto kong magtungo sa Amerika. Iyon ang uso noon at hanggang ngayon. Gusto kong tuparin ang pangarap ng aking ama at ina na makita akong makapunta sa Amerika. Naghirap sila para suportahan ako sa pag-aaral. At alam kong matutuwa sila sakaling makapunta ako sa Amerika. Subalit nang nakahanda na ako patungo sa Amerika pinigilan kami ng gobyerno. Ayon sa bagong kautusan, kailangang hintaying lumabas ang resulta ng board exam.
Bumuntung hininga ako at nagpatuloy sa pagkukuwento. Tinanggap ko ang desisyon ng gobyerno at pumayag akong magturo sa medical school habang naghihintay. Makalipas ang dalawang linggo, labing-dalawa sa mga kaklase ko ang pinayagan na magtungo sa Amerika kahit hindi nakikita ang resulta ng board exam. Kinuwestiyon ko ang pangyayaring iyon. Maraming opisyal ng gobyerno akong nilapitan na labis kung pinagsisihan. Nang may lumabas na resulta sa board exam mayroong isa na hindi naisama sa listahan at ako iyon. Mula noon, nagdesisyon na akong huwag umalis ng Pilipinas. Hindi na ako nangarap magpunta sa Amerika. Iyon ang aking kabiguan.
Nakita mo na ang dahilan ng Diyos bakit hindi ka pinapunta sa Amerika? Gusto ng Diyos na makasama mo kami. Kung umalis ka, mapupunta ka ba rito sa marumi at mahirap na baryo?
Naisip ko, oo nga, may dahilan ang Diyos para sa akin.