Hindi nalaunan, nilibot ni Jesus ang mga bayan at nayon. Nangangaral siya at nagtuturo ng Mabuting Balita tungkol sa paghahari ng Diyos. Kasama niya ang labindalawa at ilang babaing pinagaling niya sa masasamang espiritu at mga karamdaman: Si Maria na tinatawag na Magdalena (mula sa kanyay pitong demonyo ang pinalayas); si Juanang asawa ni Cusa na katiwala ni Herodes; si Susana at marami pang iba. Ang ari-arian nila ang itinustos nila sa pangangailangan ni Jesus at ng kanyang mga alagad.
Sa kasaysayan ng buhay ni Jesus, isinama niya ang mga kababaihan bilang mga katulong o alalay sa kanyang misyon ng pagpapahayag ng paghahari ng Diyos. Pinarangalan niya sa pamamagitan ng paghingi at pagtanggap sa kanilang paglilingkod sa mga pisikal nilang pangangailangan. Anupat ang mga kababaihan ang mainam na tagagawa ng kanilang mga kinakailangan tulad ng pagluluto ng kakainin, at iba pa.
Sa Simbahang Katolika sa kasalukuyan, ang mga kababaihan ay nabigyan ng katungkulang maglinis ng altar at umawit sa koro. Subalit ang katotohanan ay: Mula ng Vatican II at sa Ikalawang Konsilyo Plenaryo ng Pilipinas 10 taon na ang nakaraan, ang mga kababaihan ay may mahahalagang papel na ginampanan sa pagtatalakayan at pagsasakatuparan ng mga dikreto ng naturang Konsilyo Plenaryo. Ang mga laiko, lalo na ang mga kababaihan, ay nasa mga sitwasyon kung saan mabisa nilang maipapahayag ang paghahari ng Diyos. Kailangan ni Jesus ang mga kababaihan ngayon, gaya ng kanyang pagpili at pagsugo sa kanila noon upang ipahayag ang paghahari ng Ama.