Maaaring hindi lamang ang kidnaper na si Roxas ang susunod na hahatulan ng kamatayan subalit mahirap masabi kung kailan iyon maisasagawa. Isang pagpapatunay ay ang pagpigil ni President Gloria Macapagal-Arroyo sa pag-lethal injection sa isang rapist noong nakaraang buwan. Tatlo pang kriminal ang ipinagpaliban ang "pagturok" dahil sa malakas na panawagang alisin na nga ang parusang kamatayan.
Sa bansang ito, kung hindi magpapakita ng katigasan ang namumuno ay hindi magkakaroon ng pagbabago. Maraming halang ang kaluluwa na nagkalat ngayon at maski nagpaparada ng mga suspek sa Malacañang si Mrs. Arroyo ay wala pa ring natatakot. Sunud-sunod na pagpapakuha ng Presidente ng retrato kasama ang mga nasakoteng suspek subalit malala pa rin ang paglaganap ng krimen. Patuloy ang kidnapan, pagnanakaw, pangre-rape at pagpatay.
Ang pagkakapatay sa mga lider ng kidnapping group kamakailan ay hindi sapat para magsaya ang taumbayan. Hindi pa tapos ang pakikipaglaban sa mga salot na kidnaper at sa aming palagay ay nagsisimula pa lamang. Ngayong sumapit na ang "ber" tiyak na nakaabang na naman ang mga kidnaper sa kanilang bibiktimahin. Ang masakit, hindi lamang ang pagkidnap ang kanilang ginagawa. Kapag hindi agad naideliber ang ransom money, pinapatay nila ang biktima gaya ng ginawa nila sa isang Tsinoy na binaril nila sa ulo noong nakaraang taon sa Valenzuela City.
Kamaong bakal dapat sa mga kidnaper. Kung ano ang inihatol na parusa ay igawad sa mga ito. Hindi na dapat ipagpaliban. Nasa panganib ang seguridad ng taumbayan kung patuloy na gumagala ang mga kidnaper. Hindi sila dapat binibeybi kundi pinupuksa. Sa ganitong paraan lamang magkakaroon ng katahimikan na matagal nang inaasam ng taumbayan.