Bangon Pinoy sa kamay ng Malaysia

GALIT ang mamamayang Pilipino sa Malaysia sa ginawang pagmamalupit sa mga kababayan nating ikinulong at ipinagtabuyang pabalik sa Pilipinas. Ayon sa mga testimonya ng mga deportees, minaltrato sila. Hindi sila pinakain at binigyan man lamang ng maiinom. Dahil dito, ilang mga deportee na ang namatay kasama na ang 18 bata.

Hanggang sa isinusulat ko ito, wala pang kaliwanagan ang pangyayari. Ang tanging maliwanag ay hinuli at ikinulong ang mga Pilipino dahil wala silang mapakitang papel na mamalagi at magtrabaho sa Malaysia kaya ipinade-deport sila. Libu-libong Pinoy ang nasa Malaysia na matagal nang namumuhay doon.

Namangha ako nang unang pumutok ang balita. Pati si President Gloria Macapagal-Arroyo ay hindi mapakali kung ano ang gagawin sa nabalitang pagmamalabis ng Malaysia. Hiningan ng tulong si dating President Fidel V. Ramos upang kumausap kay Malaysian Prime Minister Mahathir Mohammad subalit tumanggi ito at iminungkahi na si GMA na ang deretsong personal na makipag-usap sa lider.

Bilang mga Pilipino, talagang masakit sa kalooban ang ginawang kahayupan ng mga Malaysian sa ating mga kababayan. Kung sakali mang walang respeto ang mga Malaysian sa Pilipino, dapat naman sana ay itinuring na lang nilang mga tao na kahit na nagkasala sa kanilang batas ay may karapatan ding pantao na dapat respetuhin lalo na’t may kapatirang namumuo sa dalawang bansa.

Naniniwala ako na dapat lamang na maghinay-hinay ang Pilipinas sa pakikitungo sa Malaysia sapagkat maaaring lumaki ang pangyayaring ito. Tandaan na mayroon pa tayong pang-diplomasyang alitan laban sa Malaysia dahil sa Sabah. Subalit hindi natin dapat palampasin ang kalabisang ginawa ng Malaysia. Nasa kamay na ng ating mga pinuno ang pag-andar ng katarungan upang manumbalik na muli ang dangal at karapatan na niyurakan ng mga Malaysian.

Show comments