Isang magandang halimbawa ay ang Republic Act 7659 o ang Death Penalty Law. Ang batas na ito ang pinaka-kontrobersiya sa kasalukuyan. Makaraang magpakita ng katigasan si President Gloria Macapagal-Arroyo at walang sasantuhin sa mga gumagawa ng masama, ngayoy nanlalambot naman ang kanyang paninindigan kung mayroon pa ngang dapat maisalang sa bibitayan. Pumutok na magkakaroon ng execution ngayong Agosto. Isang rapist na ama ang nakatakdang turukan. Subalit naagaw sa kamatayan ang rapist makaraang isuspinde ni Mrs. Arroyo ang execution. Ngayong September ay may naka-linya na namang "turukan" pawang mga rapist din at tiyak na hindi na naman maigagawad ang kaparusahan na naaayon sa Republic Act 7659 dahil sa paglambot sa paninindigan.
Dahil sa paglambot ni Mrs. Arroyo sa isyu ng pagbitay sa mga nakalinyang convict, nakaporma na ang may 110 kongresista para tuluyan nang "patayin" ang RA 7659. Naghahanap pa ng kakampi ang 110 kongresista para ma-abolished ang batas. Sa isang linggo ay isang resolution ang kanilang ihahain para ganap nang matigil ang lahat nang execution at kasunod ay ang pag-aalis na sa parusang kamatayan.
Kung ganap nang mawawala ang parusang kamatayan, malaking kasiyahan ang madarama ng mga nakalinyang convict. Ang nakaaawa sa parteng ito ay ang mga naging biktima ng mga kriminal at ang kanilang mga kamag-anak. Ang inaasahan nilang parusa sa gumawa ng karumal-dumal ay mawawala na. Malaking kasiphayuan din ito sa mga alagad ng batas at hukom na ginawa ang kanilang tungkulin para mahatulan ang kriminal. Sayang lamang ang kanilang pagpupursigi sa kaso.
Isang tiyak na mangyayari kung mawawala na ang RA 7659, madaragdagan ang mga halang ang kaluluwa sa lipunan sapagkat wala na silang katatakutan. Matutuwa ang mga hayok sa laman, drug pusher, kidnapper at mga corrupt. Kung magkakaganyan, isisi ito sa mga mambabatas na baligtad ang utak.