Dumaragsa ang trabaho ng sastre tuwing sumasapit ang piyesta at iba pang mahahalagang okasyon tulad ng kasalan, binyagan at iba pa.
Isang magsasaka ang nagsadya sa sastre para magpatahi ng pantalon at Barong Tagalog. Kahit na maraming tanggap na tahiin, kinuha pa rin ng sastre ang sukat ng magsasaka at ipinangakong makukuha ang ipinagagawa sa susunod na linggo. Ang magsasaka ay ninong sa isang kasalan kaya nagpatahi ng Barong.
Sumapit ang pinag-usapang araw subalit hindi pa rin natatapos tahiin ang Barong. Halatang inis ang magsasaka. Para hindi magalit, inimbitahan ng sastre ang magsasaka para magtanghalian sa karinderya malapit sa tahian.
Matapos umorder ng pagkain, nagpaalam sandali ang sastre para magtungo sa banyo. Sa hindi inaasahang pagkakataon, nakatayo sa pintuan ng banyo ang gobernador kaya nilapitan ito ng sastre.
"Kagalang-galang na Gobernador, ikinalulugod kong makita kayo," pagbati ng sastre. "Maaari nyo ba akong pagbigyan sa isang kahilingan?"
"Oo naman," sagot ng may katabaang gobernador. "Hindi ko malilimutan ang ginawa mong pangangampanya para sa aking kandidatura. Ano bang hihilingin mo?"
"Maaari bang lumapit ka sa aking mesa bago umalis. Mayroon kasi akong kliyente na nais mapabilib."
Lumapit nga ang gobernador upang batiin ang sastre gaya ng hiniling nito. "Kumusta na ang aking paboritong mananahi," bati ng gobernador na may pagmamalaki.
Tiningala ng sastre ang gobernador na may pahiwatig ng kawalang interes at sinabi, "Hindi mo ba nakikita na akoy abala, Ginoong Gobernador." Matapos nito, agad niyang hinarap ang magsasakang nagrereklamo at sinabi, "Kita mo na kung gaano ako kaabala ngayon."