Ipinagdadakdakan ni Ocampo na may mga ebidensya at may mga witnesses sila na nagsasabing isang Amerikanong sundalo na kasama ng mga Pilipinong military ang bumaril sa paa ni Buyong-Buyong Isnijal ng Basilan. Pinabulaanan naman ito ni Carolina at ang pinagdidikdikan naman ay isa raw sundalong Pilipino ang nakabaril sa tinagurian ng military na isang miyembro ng Abu Sayyaf.
Ipinaliwanag ni Ocampo na naroroon siya na kasama ang ilang miyembro ng kanyang panel upang mag-imbestiga at mangalap ng karagdagang ebidensya at testimonya sa pinaghihinalaan nilang paglabag sa human rights at alituntunin ng balikatan exercises. Itinanggi naman ng Southcom chief ang paratang at galit na idiniin nito na dapat sana ay siya at ang kanyang command ang una munang kinausap nina Ocampo bago ang iba.
Lalong naging kumplikado ang isyung ito nang umentra na sa eksena si President Gloria Macapagal-Arroyo. Ayon sa mga balita, tinawag ng Presidente sina Bayan Muna representatives Satur Ocampo at Liza Maza na mga "komunista" maliban sa nabalitang pagbibinyag ni Carolina kina Ocampo na sila ay mga "monkeys". Sinabi ng Presidente na ang mga militanteng grupo ang dapat na akusahang lumalabag sa batas-pantao at hindi ang military.
Ano ba ito? Below the belt na yata ang tirahan. Hindi na maganda ang pagpapalitan ng mga maanghang na salita. Parang mga kanto boys na walang pinag-aralan na ang mga ito. Bakit kailangan pang humantong pa sa ganito at ang inaabuso ay ang media? Bakit hindi na lang dalhin nila ang kani-kanilang mga paratang sa Korte at tanggapin ang anumang magiging hatol nito.