^

PSN Opinyon

Editoryal - Kailan madudurog ang mga tiwali?

-
MATATAG na republika ang hangad ni President Gloria Macapagal-Arroyo. Subalit ang katatagan ay hindi basta-basta naaangkin. Kailangang magkaroon nang matibay at seryosong pakikibaka sa mga problema ng bansa bago makamtan ang katatagang hinahangad. Una naming sinabi na kailangang malupig ang mga naghahasik ng kasamaan at kaguluhan sa bansa para makamit ang matatag na republika. Kung hindi malulupig ang masasamang loob, balewala ang pangarap sa bansang ito.

Ikalawang dapat mawala sa bansang ito ay ang mga corrupt sa pamahalaan. Dapat na mabunot ang ugat ng katiwalian para hindi na muling umusbong. Hindi uubra ang sinabi noon ni GMA na kailangang ang usbong ng katiwalian ang putulin para hindi na yumabong. Hindi yata nalalaman ni GMA na ang usbong ay madaling yumabong at mas marami pang sanga ang lilikhain. Dapat ay ang ugat ang hukayin at saka itapon sa apoy para hindi na mabuhay.

Ang katiwalian sa bansang ito ang labis na nakabagabag kay United States Ambassador Francis Ricciardone. Grabe na aniya ang corruption sa bansang ito at maging ang loob at labas ng judiciary ay apektado na. Masyado nang talamak ang katiwalian na hindi na dapat ipagwalambahala.

Ang talamak na corruption ang numero unong dahilan kaya ayaw pumasok ang mga investors. Sinabi ni Ricciardone "The number one barrier is corruption, not just regarding the courts but also officials outside the judiciary." Ang mga foreign investors ay nagrereklamo sa kanya at ganoon din ang iba pang ambassadors tungkol sa grabeng katiwalian. Ayon kay Ricciardone, nakaharap sila at nababagabag sa isang mabigat na problema tungkol sa katiwalian. Prankahan ang pagkakasabi ni Ricciardone sa problema ng katiwalian sa bansa.

At katiwalian ay hindi naman itinanggi ni GMA at sang-ayon siya sa sinabi ni Ricciardone. Napikon naman ang ilan sa mga mambabatas at dapat daw kastiguhin ang ambassador. Dapat daw ideklarang persona non grata si Ricciardone.

Maraming mapagkunwari sa mga mambabatas at mababaw ang sakop ng utak. Hindi nila matanggap na nababalot ng katiwalian ang bansa. Bakit sa halip na kondenahin ang ipinahayag ni Ricciardone ay pasalamatan pa ito sa pagsisiwalat ng katotohanan at nang malaman ng taumbayan. Dapat gumawa ng paraan ang mga mambabatas para madurog na ang mga tiwali sa pamahalaan. Kapag nadurog ang mga tiwali saka pa lamang siguro makapagtatatag ng matibay na republika.

AYON

BAKIT

DAPAT

GRABE

KATIWALIAN

PRESIDENT GLORIA MACAPAGAL-ARROYO

RICCIARDONE

UNITED STATES AMBASSADOR FRANCIS RICCIARDONE

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with