^

PSN Opinyon

Editoryal - Unahing sugpuin ang corruption

-
MINSAN ay sinabi ni President Gloria Macapagal-Arroyo na para masugpo ang katiwalian kailangan ay maputol ang usbong para hindi yumabong. Hindi kami sang-ayon sa sinabi ni GMA at gaya nang aming nasabi na sa mga editoryal na may kaugnayan sa corruption, hindi ang usbong ang dapat putulin kundi ang ugat. Kung ang usbong ang puputulin, lalo lamang yayabong. Ganyan ang halaman na gustong lumago kailangang kapunin. Pero ang halaman at ang katiwalian ay nagkakaiba. Ang katiwalian dito sa Pilipinas ay kakaiba sapagkat nakasagad sa ugat. Kung hindi bubunutin o huhukayin at saka sisilaban ay hindi mamamatay ang katiwalian.

Gaano na ba katagal ang iniaangal na katiwalian sa mga departamento ng pamahalaan? Matagal nang panahon. At magpahanggang ngayon, ang talamak na katiwalian pa rin ang iniaangal. Dahil sa katiwaliang ito kaya hindi na umuusad ang bansang ito. Ang perang dapat sana’y napupunta sa kaban ng bansa para magamit sa kaunlaran ay sa bulsa lamang ng mga tiwali napupunta. Ang balitang ganito ay hindi na lingid sa mamamayan. Sino ang hindi nakaaalam na talamak ang katiwalian sa Bureau of Customs, Bureau of Internal Revenue, Bureau of Immigration, Department of Education, Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ang talamak na corruption sa bansang ito ang numero unong dahilan kaya ayaw pumasok ang mga investors. Hindi na Pinoy ang nagsabi ng dahilang ito kundi ang bagong US ambassador na si Frank Ricciardone. Sinabi ni Ricciardone "The number one barrier is corruption, not just regarding the courts but also officials outside the judiciary. Foreign investors have complained about that to me and to other ambassadors here (such that) we have a real problem here."

Prankahan ang pagkakasabi ni Ricciardone sa problemang ito ng bansa. Hindi na maipagkakamali na ang grabeng katiwalian ang numero unong dahilan kung bakit ayaw mag-invest dito ang mga dayuhan. Sino nga ba naman ang magkakagustong maglagak ng kanyang pera sa bansang ito na ang katumbas ay ang kawing-kawing na pandurugas mula sa mga tiwali. Bukod pa sa katiwalian, kakambal na rin ang pagkatakot sa mga halang ang kaluluwa na hindi rin naman masugpo ng pamahalaan.

Ang katiwalian ay kailangang masugpo upang maging magaan ang pagpasok ng mga investors. Bunutin ang ugat para hindi na mabuhay. Hindi ang usbong na gaya ng sinabi ni GMA. Turuan na rin ang mamamayan na huwag nang buhayin ang corrupt. Kung walang maglalagay, wala nang co-corrupt.

BUREAU OF CUSTOMS

BUREAU OF IMMIGRATION

BUREAU OF INTERNAL REVENUE

DEPARTMENT OF EDUCATION

DEPARTMENT OF PUBLIC WORKS AND HIGHWAYS

FRANK RICCIARDONE

KATIWALIAN

PRESIDENT GLORIA MACAPAGAL-ARROYO

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with