^

PSN Opinyon

Jueteng operations sa Muntilupa grabe na!

BANAT NI BATUIGAS - Bening Batuigas -
KUNG ilang beses nagpalit ng financiers ang jueteng sa Muntinlupa City na si Mayor Jaime Fresnedi at mga opisyales ng pulisya lang ang may kasagutan.

Nakikialam ba si Mayor Fresnedi sa operation ng jueteng sa kanyang siyudad o sobrang mataas lang ang hinihinging intelihensiya ng mga kapulisan?

Matatandaan na nabulgar ang malawakang jueteng operation sa Muntinlupa City nang mag-away ang financier na si Gerra Ejercito at ang pulisya sa ilalim ng pamumuno ni Supt. Roland Navarro noong kapanahunan ni dating Presidente Erap Estrada. Naglabas pa nga si Ejercito ng tinatawag na "blue book" kung saan nakasaad kung magkano ang tinatanggap na weekly payola nina Fresnedi, Navarro at maging ni Chief Supt. Manuel Cabigon na hepe noon ng Southern Police District.

Abot langit ang pagtatanggi ni Fresnedi sa payola racket, si Navarro naman ay nasibak at si Cabigon ay nanatili sa puwesto hanggang nga maupo si Presidente Arroyo. Si Ejercito naman ay bumitaw na sa kanyang negosyo. Ang pumalit kay Ejercito ay si Tony Santos, ang hari ng jueteng sa Metro Manila. Tinaasan niya ang weekly payola para masolo ang ilegal na negosyo.

Maayos na ang takbo ng jueteng doon nang biglang pumasok naman si alyas Toto ng Makati City. Nagkagulo na naman dahil sa intelihensiya na nagsimula ng awayan na nauwi sa dalawa nating kasamahan sa hanapbuhay ang nalagas. Tama ba ’ko retired Supt. Navarro, Sir? Naubos na ba ang tatlong milyon mong pondo para lumuhod sa harap mo ang dalawang reporter na pinatanggal mo sa trabaho?

Siyempre dahil sa gulo, nagbitawan na rin sina Santos at Toto sa kani-kanilang negosyo. Ang pumalit ay ang isang Jun ng Parañaque City. Hindi naman nagtagal ng ilang buwan si Jun dahil sa hindi malamang dahilan.

Sa paglisan ni Jun, pumalit naman si Eddie Caro ng Marikina City. Ang namahala doon ay itong sidekick ni Caro na si Julie Baba na palaging may nakasukbit na kalibre .45 pistol sa baywang. He-he-he! Parang cowboy pala itong si Julie Baba. Pero hindi rin nagtagal itong si Caro dahil nalunod ang pera niya sa sobrang taas ng intelihensiyang hinihingi sa kanya. Ewan ko kung sino ang tumatanggap ng intelihensiya no?

At sa ngayon, bumalik bigla si Tony Santos bilang bagong financier ng jueteng sa Muntinlupa City at nasolo na niyang muli ang operation doon. Isang alyas Dindo ang namamahala ng jueteng ni Santos doon at si alyas Rolly naman ang administrador. Ang tibay mo, Rolly!

Ang katanungan sa ngayon, may alam kaya si Mayor Fresnedi sa operation ng jueteng sa kanyang siyudad? Isang open secret naman kasi na hindi makapaglatag ng ilegal na negosyo itong mga jueteng lords kung walang green light mula sa mga mayor, gobernador at pulisya natin. Dapat sigurong makialam si Interior Secretary Joey Lina sa laganap na jueteng operations sa Muntinlupa City. Si Mayor Fresnedi kaya ang kauna-unahang local government official na masisibak dahil sa kapabayaan sa jueteng?

CARO

CHIEF SUPT

CITY

JUETENG

JULIE BABA

MAYOR FRESNEDI

MUNTINLUPA CITY

NAMAN

NAVARRO

TONY SANTOS

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with