^

PSN Opinyon

Magpakita ka ng pangil Secretary Lina

BANAT NI BATUIGAS - Bening Batuigas -
HINDI lang pala mga ‘tong’ collectors ang gumagamit ng pangalan ni Interior Secretary Joey Lina sa jueteng kundi maging ilan pang kalalakihan na gustong ‘‘patahimikin’’ at palawakin ang operasyon ng naturang sugal sa iba’t ibang bahagi ng bansa. At kung gagawing basehan ang nangyari sa Pangasinan, paano na lang itong ipinangalandakan ni Lina na ipapasara niya ang jueteng sa isang taon eh pangalan niya mismo at ng First Couple, Philippine National Police chief Dir. Gen. Leandro Mendoza at regional director ng PNP ang binabanggit para mabuksan o palawakin ang naturang sugal?

Kung buong tapang na sumugod sa Pangasinan itong grupo ni Atty. Jose Allan Tebelin na gamitin ang pangalan ni Presidente Gloria Arroyo, asawa nitong si Mike Arroyo, Lina at Mendoza, ibig sabihin niyan nangyayari rin ang ganitong sitwasyon sa ibang bahagi ng bansa, di ba mga suki? Kung totoo itong pagyayabang ni Tebelin, tama lang ang obserbasyon ng mga junior officers ng PNP na panay pampapogi lang itong panibagong kampanya ni Lina sa jueteng.

Paano, kaliwa’t kanan ang pagdawit ng pangalan niya sa illegal na sugal at wala naman siyang ginagawa para linisin ito. Mukhang panay photo-ops lang itong nangyari sa Illegal Gambling Summit sa Camp Crame noong Abril 3, anang mga junior officers ng PNP. Kasi nga taliwas naman sa mga kumpas at pagsisigaw ni Lina ang ginagawa ng mga regional directors, district directors, provincial at station commanders ng pulisya. Palaging nakabukas ang mga palad nila. He-he-he! Pampalaki lang ng intelihensya lahat ’yan.

Kung sa unang araw na nagalit si Lina sa jueteng eh abot-langit ang nerbiyos ng masa, lalo na ’yaong kabo at rebisador, sa ngayon kampante na sila. Ayon sa kanila, wala palang lason itong laway ni Lina. Ano ba ’yan? At ang problema pa ng mga jueteng financiers, hind lang mga kalalakihang bumabanggit ng pangalan ni Lina ang umiikot sa ngayon dahil nadagdagan pa.

Kung anu-anong unit ng pulisya, lalo na sa Criminal Investigation and Detection Group sa Camp Crame ang naglulutangan para pahirapan itong mga jueteng financiers. Ilang beses na nating hinamon si Lina na arestuhin niya ang kalalakihang gumagamit ng kanyang opisina sa ‘tong’ collection subalit nagbingi-bingihan siya. Ibig bang sabihin niyan may basbas niya ng ilegal na aktibidades nila? Bakit tahimik siya kapag ang grupo ng ‘tong’ collectors ang pag-uusapan?

Ang kuntensiyon natin mga suki, kapag naaresto ni Lina at nakalaboso itong grupo ng ‘tong’ collectors eh sino pa ang o-orbit sa mga jueteng financiers? Kapag nangyari ’yon, madali nang masugpo itong jueteng dahil wala nang leak ang raid ng pulisya natin dahil naputol na ang unholy alliance ng ‘tong’ collectors at mga financiers. Magpakita ka ng pangil mo para maniwala ang sambayanan na seryoso ka sa jueteng campaign Sec. Lina. Aksiyon ang gustong makita ng sambayanan at hindi puro dada.

CAMP CRAME

CRIMINAL INVESTIGATION AND DETECTION GROUP

FIRST COUPLE

ILLEGAL GAMBLING SUMMIT

INTERIOR SECRETARY JOEY LINA

ITONG

JOSE ALLAN TEBELIN

JUETENG

LINA

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with