Sa isang paid advertisement sa diyaryo, nag-public apology ang PNP-IG sa pamilya nina Lozada at Uson dahil sa hindi inaasahang kamatayang sumapit sa mga biktima at ganoon din sa sakit na dinanas ng mga mahal sa buhay. Sinabi ng PNP-IG na patuloy pa rin nilang ipaglalaban ang sinumpaang tungkulin para maipagtanggol ang mga inosente at nangailangan ng tulong at nang maibalik ang tiwala sa kanila. Inaako ng PNP-IG ang malagim na insidente at sinabing hindi na mauulit ang pangyayari sa hinaharap.
Ang public apology ng PNP-IG ay tinanggap naman umano ng pamilya ni Lozada. Sinabi ng misis ni Lozada na kung ang Diyos ay nakapagpapatawad, sino naman siya para hindi patawarin ang mga pulis na pumatay sa kanyang asawa. Hindi na naman umano maibabalik pa ang buhay na nawala.
Si Lozada, chief steward sa New World Hotel, anak nitong si Clarissa at kaibigang si Marianne ay sakay ng Mitsubishi Lancer patungo sa party ng gabing iyon ng May 17 nang harangin ng 10 miyembro ng PNP-IG sa Del Monte Ave cor. G. Araneta, Quezon City. Sa takot, pinaharurot ni Lozada ang kotse at hinabol sila ng mga pulis at pinaputukan.
Ang pangyayari ay nagpakita lamang sa hindi pagiging professional ng mga pulis sa pagkakataong iyon. Naging malikot sa gatilyo ng mga baril ang mga pulis at nawalan ng kontrol. Dalawang buhay ang nasayang at isa ang sugatan dahil sa pagiging malikot at kawalan ng kontrol. Kahit na nga humingi pa ng tawad sa pangyayaring ito, ang pangyayari ay naroon na. Hindi na maibabalik ang lahat. Sana ay magkaroon ng aral ang PNP-IG at iba pang alagad ng batas nang hindi na maulit ang insidente. Sayang ang buhay kung basta na lang lalagutin ng mga bala.