Nakasasawa na 'yang warning mo sa jueteng Sec. Lina

HABANG palapit ang pangalawang buwan, mukhang pigil na ang dumadating na suntok ni Interior Secretary Joey Lina dito sa kampanya niya para mapasara ang jueteng sa bansa. Pang-ilang beses na ba ang warning na inisyu ni Lina sa mga local government at police officials subalit hindi naman pinapansin ng mga ito ang init ng ulo niya? He-he-he!

Namaos na si Lina sa kawa-warning pero walang gumagalaw para sundin ang kautusan niya. Ang ibig kong sabihin mga suki, sa ngayon mukhang ang Task Force Jericho lang ang sumusunod sa kautusan ni Lina. Hihinto rin sila kapag kilala na ang unit nila, di ba mga suki? Maraming tanong tuloy ang umiikot na kung hindi bibigyang-pansin ni Lina, sa tingin ng sambayanan eh, walang patutunguhan itong jueteng campaign niya. Ano ba ang bago diyan, aber?

Maliwanag na nag-warning na si Lina sa local government at police officials natin na kakasuhan at pagsisisipain sila sa puwesto noong Illegal Gambling Summit sa Camp Crame noong Abril 3. Bakit hanggang sa ngayon warning pa rin? Ang tinutukoy ko mga suki ay itong init ng ulo ni Lina sa 14 mayors ng Camarines Sur kung saan namamayagpag sa ngayon ang Task Force Jericho. Nagbanta na naman si Lina sa mga mayors at kapulisan doon na kakasuhan sila kapag hind nila napasara ang jueteng. He-he-he! Nagmukhang ulyanin si Lina dito ah, di ba mga suki?

Ang tanong, bakit mainit ang ulo ni Lina sa Camarines Sur? Kalaban ba ng kasalukuyang administrasyon ang mga pulitikong nakaupo roon? Hindi na dapat nag-warning pa si Lina sa Camarines Sur dahil sapat na ang binitiwan niyang salita noong Abril 3. Ibig bang sabihin niyan, kumpirmado na hindi sinusunod ng local government at police officials ang kanyang jueteng campaign? Umpisahan mo nang pumugot ng ulo Sec. Lina para paniwalaan kang seryoso itong jueteng campaign mo at nang ang pangalan mo ay tingalain ng sambayanan. Nakakasawa na ’yang warning mo.

Ayon sa Task Force Jericho, umabot sa 199 katao ang kanilang naaresto sa larong jueteng noong nakaraang buwan. Pero inamin nila na panay gurami lamang o maliliit na isda ang kanilang nahuli. Ang tanong naman ng mga junior officers ng pulisya na nakausap ko, bakit dumayo pa itong Task Force Jericho sa Camarines Sur eh maliwanag pa sa buwan na patuloy pa rin ang operasyon ng jueteng dito sa Metro Manila at karatig nitong probinsiya tulad ng Rizal, Bulacan, Laguna at Cavite? May iniilagan ba si Lina sa mga nabanggit na lugar? He-he-he!

Mukhang tumpak ang mga junior officers ng pulisya natin. Bakit tuloy pa rin ang operasyon nina Eddie Caro, Tony Santos, Eric Ang, Milo Samson, Peping Suarez, Daniel Tan, Julie Baba, Aging Lisan, Tony Francisco, Tony Galgana, Te-pang at Danny Sarmiento sa Kamaynilaan? Alam ng Task Force Jericho ang sagot diyan.

Show comments